3-linggong FMO sa bayan ng Real sa Quezon, salot sa mamamayan
Tatlong linggo na ang inilulunsad na focused military operations (FMO) ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Real, Quezon. Nagdudulot ito ng labis na takot at perwisyo sa mamamayan sa naturang bayan.
Ang seryeng ito ng FMO sa Real ay bahagi ng pagtitiyak ng AFP at Philippine National Police na walang hahadlang sa pagsusulong ng proyektong Real Wind Power Project. Layunin ng militar na maghasik ng takot sa mamamayan para isagasa ang naturang proyekto.
Ang proyekto ay pagmamay-ari ng Power Project ng Real Wind Energy Inc. (RWEI) na magpoprodyus ng 250 MW na kuryente. Ang RWEI ay buo nang pagmamay-ari ng ACEN Corporation ng pamilyang Ayala, matapos bilhin nito ang mga sapi ng Maraj Energy Management Pte Ltd. Sasaklawin mga proyekto ang mga barangay ng Kiloloron, Capalong, Tagumpay, Tignoan,Tanauan, Malapad, Lubayat, Bagong Silang, Maragondon at Llavac na may kabuuang lawak na 5,670 ektarya. Ipinagmamayabang itong “pinakamalawak” na proyektong wind power sa bansa.
Sa kasagsagan ng mga operasyong kombat, naitala ang kaso ng iligal na paghalughog sa bahay, panghaharas, pagbabanta at Red-tagging. Niransak ng mga berdugo ang mga kubo ng isang pamilya nang walang mandamyento de rekisa, habang ipinalabas pang ang nakumpiska nitong gamit mula sa bahay ay nakuha sa kuta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Naghahabol din ang AFP ng maitatala nitong “tagumpay” laban sa BHB laluna at magtatapos na ang taon. “Inaakala nitong mahahadlangan ng operasyon ang pagkakaisa ng masa at hukbo sa paglutas sa kanilang mga suliranin tulad ng mga proyektong Real Wind Energy at dam na kakamkam sa kanilang lupa,” ayon kay Ka Eli dela Guerra, tagapagsalita ng BHB-North Quezon.
Napapraning ang mga sundalo ng AFP tuwing mayroon itong natatanggap na impormasyon hinggil sa diumano’y presensya ng rebolusyonaryong hukbo sa lugar, ayon sa ulat ng mga masa. “Balak nitong barahan ng operasyon ang Real dahil takot na takot itong makadaupang-palad ng masa ang BHB,” dagdag pa ni Ka Eli.
Gayunman, ipinahayag ng tagapagsalita ng Pulang hukbog sa North Quezon na nananatili ang suporta at katapatan ng mamamayan sa kanila. “Gaano mang takot ang ihasik nito sa lugar, sa rebolusyonaryong kilusan sumasalig ang mamamayan para sa kanilang mga problema, habang ipinararating ang mga dinadanas at nasasaksikhan nitong panggigipit at panlilinlang ng isinusuka nilang mersernaryong AFP,” aniya.