4 na mangangaso, pinaulanan ng bala ng 24th IB
Apat na magsasakang nangangaso sa Sityo Gat-ang sa isang barangay sa Lacub, Abra ang pinaulanan ng bala ng nag-ooperasyong tropa ng 24th IB noong Nobyembre 27. Ayon ito sa ulat ng Cordillera Human Rights Alliance.
Nakasalubong ng mga sundalo ang apat na magsasaka habang nagpapahinga. Agad itinaas ng apat na magsasaka ang kanilang armas na gamit sa pangangaso at sumigaw ng “sibilyan kami!” para hindi sila paputukan ng mga sundalo. Sa kabila nito, nagpaputok pa rin ang mga sundalo.
Dalawang magsasaka ang nasugatan sa insidente habang ang dalawang pa ay nakatakbo tungo sa kalapit na komunidad para humingi ng saklolo. Kagyat na bumuo ng search team ang mga residente para hanapin ang dalawang magsasakang sugatan.
Natagpuan sila sa katabing barangay ng Buneg at kinuha ng kanilang mga kaanak para dalhin sa klinika sa munisipyo. Kalaunan, inilipat sa Abra Provincial Emergency Hospital.
Kabilang ang bayan ng Lacub sa mga eryang sinasaklaw ng nakapokus na operasyong kombat ng 24th IB at 5th ID simula pa Enero 2022. Sinasaklaw ng mga operasyon ang tri-boundary ng mga prubinsya ng Abra, Apayao at Kalinga.
Layunin ng mga operasyong ito ng AFP na sindakin ang minoryang mamamayang tumututol sa pagpasok ng operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina at mapangwasak na mga proyektong dam na planong itayo sa Gran Cordillera Mountain Range. Ilulubog nito at maapektuhan ang maraming barangay at bayan sa mga prubinsya sa Cordillera.