5-taong batas sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas, patuloy na ipinababasura

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naglunsad ng piket ang mga grupo ng magsasaka at kababaihan sa Mendiola sa Maynila, kahapon, Pebrero 14, para ipanawagan ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law (RLL), na naisabatas sa araw ding iyon noong 2018.

Noong katapusan ng 2023, naitala ang pinakamataas na “rice inflation” sa tantos na 19.6%, pinakamabilis sa nakaraang 14 taon. Kumpara sa 2022, tumaas nang halos ₱10 ang bigas kada kilo noong nakaraang taon.

Pagpasok ng 2024, tumaas pa nang ₱1-₱2 ang bigas kada kilo. Inilagay ng Department of Agriculture ang presyo ng lokal na bigas sa ₱53-₱60 kada kilo, habang nasa ₱56-₱65 kada kilo ang imported na bigas noong katapusan ng Enero. Pero ayon sa grupong Bantay Bigas, umaabot sa ₱75 kada kilo ang bigas sa ilang bahagi ng bansa.

“Palpak na palpak ang liberalisasyon ng bigas,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP.) “Abot-langit na ang presyo ng bigas habang dumaranas ng walang kapantay na pagkalugi ang mga magsasaka dahil sa napakamahal na farm inputs.”

Aniya, di sapat ang ₱455 milyong Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) na malilikom mula sa importasyon para punan ang pagkalugi ng mga magsasaka. Mas malala, wala pang pondong umaabot sa kanila, kahit limang taon na itong kinukulekta ng estado.

Kahit bago pa maisabatas, tinutulan na ng mga magsasaka ang RLL. Ayon sa kanilang mga pag-aaral sa unang tatlong taon ng pagpapatupad ng batas, bumaba ang bilihan ng palay nang abereyds na 19.5%.

Sa mga pag-aaral ng Bantay Bigas, bumagsak nang 17.22% (mula ₱385 bilyon sa 2018 tungong ₱318.8 bilyon sa 2020) ang kabuuang halaga ng produktong palay, kahit pa tumaas ang bolyum o mas malaki ang naani ng mga magsasaka noong 2020. Dahil bumaba sa ₱20/kilo ang bilihan ng palay, tinatayang nalugi ang mga lokal na magsasaka nang mahigit ₱68 bilyon sa taong iyon.

Sa kabila nito at sa gitna ng nagtataasang presyo ng bigas, patuloy ang pagmamatigas ng reaksyunaryong estado sa pag-import ng bigas.

Noong Enero, pumasok ang rehimeng Marcos, sa pamamagitan ni House Speaker Martin Romualdez, sa isang kasunduan sa Vietnam para mag-angkat ang bansa nang hanggang 2 milyong metriko tonelada taun-taon mula rito sa susunod na limang taon, kakailanganin man ito o hindi. Hanggang 90% ng imported na bigas ay inaangkat ng Pilipinas mula sa Vietnam.

Sa halip ng walang-sagktang importasyon, dapat palakasin ng estado ang lokal na produksyon at paglaanan ng sapat na subsidyo sa sektor ng agrikultura, ayon sa mga magsasaka.

“Inuulit namin—tunay na reporma sa lupa, at di importasyon ng bigas, ang magreresolba sa palagiang krisis sa bigas,” ayon sa KMP. Tanging sa paraan na ito makakamit ng bansa ang seguridad sa pagkain at tunay na pag-unlad sa ekonomya.

AB: 5-taong batas sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas, patuloy na ipinababasura