Balita

6 na aktibista sa Chhattisgarh, dinukot ng mga pwersa ng estado ng India

,

Kinundena ng Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM) ang pagdukot ng mga pwersa ng estado ng India sa anim na aktibista ng Moolvasi Bachao Manch noong Nobyembre 8 sa estado ng Chhattisgarh. Ang mga aktibista ay nagpapahinga noon sa komunidad ng Girgundi at papunta sa isang demonstrasyon sa katabing komunidad.

Sa impormasyon ng FACAM, sumugod ang mga pwersa ng pulis sa Girgundi kung saan dinukot ang mga aktibistang sina Arjun Soni, Muya Hemla, Nagesh Banse, Joga Midiyam, Gillu Katam, at Bhima Kunjam, na pawang mga Adivasi o mga katutubo. Anang grupo, hindi pa rin natutunton ang kinaroroonan ng anim.

“Ang insidenteng ito ay isang kasuklam-suklam na pagpapakita ng kawalang pakundagan ng estado na nagpapatampok sa kalupitan ng terorismo ng estado,” pahayag ng FACAM. Naniniwala itong hindi isang “hiwalay na insidente” ang pagdukot kundi isang sadya at sistematikong kampanya para takutin ang mga Adivasi sa Chhattisgarh.

Dagdag ng grupo, karaniwang binabansagan ng mga pwersa ng estado na mga “Maoista” ang mga Adivasi para takasan ang karumal-dumal na mga krimen laban sa kanila. Isinasagawa ang mga pagdukot, pagpaslang at iba pang paglabag sa karapatan ng mga Adivasi para bigyang daan ang pagpasok ng mga mapandambong na korporasyon sa lupain at kagubatan ng mga katutubo, anito.

Naniniwala ang FACAM na ang tumintindi at dumadalas na mga kasong ito ay kaugnay ng anunsyo ni Home Minister Amit Shah na target “burahin” ang Naxalismo (karaniwang katawagan sa Maoismo sa India) sa Marso 2026. “Ang sinasabing dedlayn na ito ay walang iba kundi isang hudyat para sa papatinding karahasan at panunupil,” ayon sa grupo.

Samantala, kinundena ng Campaign Against State Repression (CASR) ang pag-aresto sa limang lider unyon mula sa distrito ng Kishtwar at isa pang aktibista sa distrito ng Doda sa estado ng Jammu at Kashmir sa hilagang-silangan ng India. Nangyari ang mga pang-aaresto sa nagdaang linggo. Binansagan silang “anti-nasyunal” sa bisa ng Public Safety Act (PSA) dahil sa pagtindig nila para sa kalikasan at kagubatan.

Katulad na kaso rin umano ang ginamit laban sa mga estudyanteng inaresto sa estado ng Assam sa hilagang-kanluran ng India. “Sa buong bansa, ang ‘kaunlaran’ ay ginagamit lamang bilang panabing sa malawakang pagpapalayas sa mga lokal, walang tigil na pagsasamantala sa likas na yaman at pagwasak sa kalikasan,” pahayag ng CASR.

Nanawagan ang CASR na ibasura ang PSA at ang mapanupil na Unlawful Activities Prevention Act (UAPA) na ginagamit laban sa mga aktibista at progresibo. “Mahalaga ang pagbabasura sa mga kasong ito para sa panunumbalik ng demokrasya sa mga rehiyong ito,” pahayag ng CASR.

AB: 6 na aktibista sa Chhattisgarh, dinukot ng mga pwersa ng estado ng India