Balita

70% ng grupong party list, hawak ng mga pulitiko, negosyo at upisyal ng estado

Taliwas sa sinasabing ang sistemang party-list ay para “bigyan ng boses” ang mga “mga mahirap at walang kapangyarihan,” halos 70% ng mga grupong ito na tumatakbo ngayon sa eleksyong ay kontrolado ng mayayaman at makapangyarihan. Kahapon, Marso 3, sinabi ng grupong Kontra-Daya na “Ginagamit nila (ang sistema) para higit pang isulong ang kanilang interes sa ekonomya at pulitika.”

Ayon sa pagtatala ng Kontra Daya, hindi bababa sa 120 sa 170 grupong partylist ang may kaugnayan sa mga pampulitikang angkan at malalaking negosyo. Ginagamit din ito ng mga lokal na upisyal sa gubyerno, may kaugnayan sa estado at maging ng militar nang walang malinaw na adbokasiya o sektor na kinakatawan. Ang iba ay may hinaharap pang mga kaso sa korte at kasong kriminal, kabilang na ang pagkakasangkot sa pork barrel scam.

Nauna nang inilantad ng Philippine Center for Investigative Journalism na mayroong 70 grupong tumatakbo sa eleksyong partylist ang may direktang kaugnayan sa angkan ng mga pulitiko at nakaupong upisyal sa gubyerno. Kabilang dito ang dating mga senador, gobernador, meyor, vice mayor, konsehal at mga provincial board member.

Ayon pa sa pagsasaliksik ng PCIJ, hindi bababa sa 44 grupong party list ang direktang kontrolado ng angkan ng mga pulitiko at mahigit 21 ang may koneksyon sa malalaking negosyo. Samantala, mayroon namang 34 na walang malinaw na adbokasiya o kinakatawan; hindi bababa sa 32 ang may kaugnayan sa gubyerno o militar; hindi bababa sa 26 ang mayroong kasalukuyang nanunungkulan na mga lokal na gubyerno; at 19 na may kasong kinakaharap sa korte.

Halimbawa dito ang grupong ACT-CIS na nanguna noong eleksyong 2019. Ang unang nominado nito na Edvic G. Yap, kasama ang kasalukuyang nakaupong kinatawan nito na si Rep. Eric Yap, ay sangkot sa kasong korapsyon sa Bureau of Customs. Ikalawang nominado nito si Jocelyn Tulfo na asawa ni Raffy Tulfo. Ikaapat na nominado nila si Erwin Tulfo, brodkaster sa telebisyon, na kasabwat ng kanyang kapatid na si Wanda Teo, dating kalihim ng Department of Tourism, ay nakinabang sa maanomalyang pagwawaldas ng ₱60 milyon para sa palatastas sa TV.

Ang nominado naman ng partylist na Wow Pilipinas ay kasalukuyang vice mayor sa Caluya, Antique na may kasong korapsyon at paglabag sa Coconut Preservation Act noong April 2018.

Sangkot din sa korapsyon ang unang nominado ng 4Ps partylist na si Marcelino Libanan, dating kongresman ng Eastern Samar at dating komisyuner ng immigration. Ang ikalimang nominado nito ay si Jonathan Clement M. Abalos II, anak ni Jonatahan Abalos na kapatid ng dating upisyal ng Metro Manila Development Authority na si Benhur Abalos.

Ang partylist na IPEACEEPANAW ay tagapamandila ng kampanya ng pang-reredtag ng gubyerno, sa tabing ng pagsusulong ng karapatan ng mga katutubo. Ang unang nominado nito na si Atty. Reuben Dasay A. Lingating ay dating tagapangulo ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Ang ikalawang nominado nito na si Atty. Marlon Bosantog ay tagapagsalita ng NTF-Elcac. Idineklara siyang persona non grata ng may 100 lider-katutubo sa Apayao dahil sa lansakan nitong pang-reredtag sa mga grupo at indibidwal sa Cordillera.

May dalawa pang grupong partylist na may direktang kaugnayan sa NTF-Elcac kabilang na ang grupong Abante Sambayanan ni Jeffrey Celiz at MOCHA ni Mocha Uson.

Sa artikulo ng PCIJ, itinala rin nito ang gruong Cibac (Citizens’ Battle Against Corruption) na kinakatawan ni Eddie Villanueva, tatay ni Sen. Joel Villanueva; ang grupong PDP Cares Foundation Inc., na may direktang kaugnayan sa partidong PDP-Laban habang si Lala Sotto, anak ni Vicente “Tito” Sotto III, ay tumatakbong nominado ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines.

Isinasaaad ng batas na Partylist System Act na dapat ang mga upisyal ng partylist ay kabilang sa “marginalized at underrepresented” na mga sektor, organisasyon at partido at mayroong hindi depenidong nasasakupan subalit makakatulong sa pagbuo at pagsasabatas ng mga panukalang makakabenepisyo ang buong bansa.

Ang mga nominado ng grupong partylist ay 20% sa kabuuang myembro ng mababang kapulungan ng kongreso.

AB: 70% ng grupong party list, hawak ng mga pulitiko, negosyo at upisyal ng estado