Mano-manong pagbibilang ng mga boto sa eleksyong 2022, itinutulak
Itinutulak ng tatlong kritiko ng nagdaang eleksyon ang mano-manong pagbibilang ng mga boto para sagutin ang maraming kwestyon sa bilangan at transmisyon ng mga resulta ng botohan.
Sa isinagawang press conference noong Hunyo 2, kinwestyon ng mga ekspertong teknikal na sina Franklin Ysaac, isang dating upisyal ng isang bangko at software developer; Gus Lagman, dating komisyuner ng Commission on Elections (Comelec) at pinuno ng Namfrel; at Eli Rio, dating kalihim ng Department of Information and Communications Technology, ang naging proseso ng Comelec—mula sa testing ng mga vote counting machine hanggang sa napakabilis na transmisyon ng mga boto sa serber ng ahensya.
Kumbinsido sila na nagkaroon ng election rigging o dayaan sa eleksyon para paboran si Ferdinand Marcos Jr at na kakunsabo sa pandarayang ito ang Comelec. Partikular na pinagtuunan nila ng pansin ang napakabilis na transmisyon ng mga boto sa server ng ahensya nang hindi sinasabi o ipinababatid kung saan nanggagaling ang mga ito.
“Mapatutunayan na ilan sa mga safeguard ng automated election system ay hindi totoong ligtas at transparent,” anila. Halimbawa nito ang random manual count sa 200 presinto ay hindi totoong random (pinili nang walang padron) dahil magmumula ang listahan nito sa 757 presinto na nauna nang pinili ng makina ng Comelec. Anila, dapat dumaan sa sistemang tambiolo ang pagpili ng sisiyasating mga presinto.
Gayundin, walang nakasubaybay na ekspertong IT (information technologist) sa paglalagay ng mga SD card na naglalaman ng mga boto o nakamasid habang binibilang ang mga boto sa mga vote counting machine. Nagkaroon ng pagkakataon kung saan maaaring binago o pinalitan ang laman ng naturang mga SD card para likhain ang serye o padron ng mga numero na hindi tugma sa Law of Large Numbers. Anila, katakataka ang padron na nagpapakita ng walang pagbabago ng porsyentuhan sa pagitan ng mga boto para kay Marcos Jr at Leni Robredo na 68-32.
“(M)eron bang nag check kung may laman na mga balota bago umpisa ng election? Meron bang nag check ng SD card bago ito i-install sa 107,000 VCM? Sino po nag install ng SD cards sa VCMs? At sino ba talaga provider na binayaran ng COMELEC para sumulat ng code?” tanong ni Ysaac.
Ang serye ng di kapani-paniwalang bilang ay magmumula lamang sa mga SD card, anila. “Maaaring ang mga SD card na inilagay (sa mga VCM) ay nakaprograma na para maglabas ng mga padron na di sumasalamin sa mga boto,” anila. “Malaki rin ang posibilidad na ni hindi nito binilang ang mga boto.”
Dahil hindi narepaso ang mga SD card bago, habang at pagkatapos ng eleksyon, di kapani-paniwala at di katanggap-tanggap ang nagdaang eleksyon, anila.
Panawagan nila, isagawa ang mano-manong pagbibilang sa mga presintong tutukuyin sa pamamagitan ng sistemang tambiolo at siyasatin ang mga SD card na ginamit sa eleksyon para tiyaking hindi ito pinakialaman.