Martsa laban sa dayaan sa eleksyon, inilunsad sa Maynila
Tinatayang 4,000 katao ang lumahok sa martsa-protesta kahapon, Mayo 13, sa Philippine International Convention Center sa Pasay City kung saan isinasagawa ang pambansang pagbibilang ng Commission on Elections sa mga boto sa eleksyogn 2022.
Pinangunahan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang kilos protesta kasama ang iba’t ibang mga progresibo at demokratikong grupo na kumukundena sa naganap na maruming halalan. Tinutulan nila ang panunumbalik ng tiranya at di lehitimong rehimeng Marcos II.
“Maraming iregularidad, maraming palpak sa ginawa ng Comelec, maraming disimpormasyon na ‘di pinigilan, maraming pamimili ng boto na hindi inimbestigahan, red-tagging na hinahayaang mamayagpag…Yung mga tao dito gustong managot ang Comelec sa mga iregularidad na iyon,” pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng grupo.
Hindi nakatuloy sa PICC ang marami sa mga nagmartsa dahil sa pagharang sa kanila ng mga pulis. Isinagawa na lamang nila ang programa sa Cultural Center of the Philippines. Kabilang sa mga nagprotesta ang grupong Kontra Daya na nakatanggap ng aabot sa 4,000 ulat ng mga anomalya at problema sa naganap na eleksyon noong Mayo 9.
Samantala, bago ang naturang protesta, naglunsad ng isang padasal ang mga taong simbahan at relihiyosong grupo malapit sa PICC. Ilan sa mga grupong ito ay ang Ecumenical Bishops’ Forum, National Council of Churches of the Philippines at iba pa. Panawagan ng mga relihiyoso na maging mapagbantay: itakwil ang mga iregularidad sa eleksyon, ipagtanggol ang demokrasya at isulong ang adyenda ng mamamayan.
Ang pagkilos ay naging bahagi at kulminasyon ng mga protesta at kampuhan kontra daya na inilunsad sa Liwasang Bonifacio sa Maynila mula Mayo 10. Malaking bilang ng mga lumahok sa protesta ay mula sa mga kabataan.
Liban pa sa mga protesta sa Metro Manila, ikinasa rin ang mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula Mayo 10. Nagkaroon ng mga protesta sa mga syudad ng Baguio, Naga, Iloilo, Bacolod, Cebu, Davao at mga prubinsya ng Isabela, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan, Pampanga, Zambales, Balanga at Mariveles sa Bataan, Batangas, Laguna, Aklan, Leyte, Negros Oriental, at Zamboanga.
Ang eleksyong 2022 ang pinakamalala at pinakamarumi sa kasaysayan ng dekompyuter o automated na eleksyon sa bansa ayon sa Kontra Daya.