Pahayag

Pangyuyurak sa kapasyahan ng taumbayan ang pandaraya sa eleksyon para ipanalo sina Marcos-Duterte

,

Sukdulan ang pagkagahaman at kawalanghiyaan ng demonyong alyansang Marcos-Arroyo-Duterte sa garapalang pandaraya sa eleksyong 2022. Lansakan nitong niyurakan ang kapasyahan ng taumbayan at binaboy ang pag-eehersisyo ng karapatang bumoto upang iluklok sa poder ang anak ng diktador na si Bongbong Marcos Jr. at gawing bise-presidente ang tagapamagmana ni Rodrigo Duterte na si Sara. Wastong salubungin ng maalab na protesta ang marumi at kaduda-dudang pagkapanalo ni Marcos Jr. at gawin ang lahat ng makakaya upang hadlangan ang pag-akyat sa poder ng isa na namang magnanakaw at mandurugas na rehimen.

Kitang-kita sa mataas na voters turn out ang aktibong partisipasyon ng mamamayang Pilipino sa eleksyong 2022 dahil sa kagustuhan nilang palitan na ang tiraniko, tiwali at papet na rehimeng Duterte. Gayunman, pinapawalang-saysay ito ng malawakang pandaraya at pagnakaw sa resulta ng halalan.

Kabulastugan ang ipinapangalandakan ngayon ng burgis at reaksyunaryong estado na diumanong malakas na mandato ni Marcos Jr. at Sara Duterte dahil sa minanupakturang landslide victory. Ang totoong pinagmulan ng mandato nina Marcos Jr. at Sara Duterte ay ang malawakan at walang konsensyang pagnanakaw sa boto ng taumbayan. Talamak ang pandaraya at manipulasyon sa buong kasaysayan ng mga eleksyon sa ilalim ng papet na republika, subalit higit itong pinadali at pinakinis ng automated na sistema. Naging de-kompyuter at lalong nalingid ang proseso ng pagnanakaw sa boto ng taumbayan. Sa panahon ng rehimeng US-Duterte, pinerpekto ang pandaraya at pagtatakip dito. Sineguro ito ng mga alipures ni Duterte sa COMELEC at ng kroni niyang si Dennis Uy na kumopo sa kontrata ng lohistika sa halalan.

Niluto ng rehimen sa pinakamataas na antas ang pandaraya sa halalan. Naka-programa na sa kompyuter, vote counting machine at SD cards ang dagdag-bawas sa mga boto (vote padding at vote shaving). Kayang-kaya ng COMELEC na baguhin ang bilang ng mga boto na pumapasok sa server at tabunan ang datos na mula sa mga presinto dahil hawak nito ang signing key para sa authentication o pagpapatunay na balido ang mga boto. Upang hindi mahalata ang manipulasyon, kinamada ang pagpapasok ng mga pre-shaded na balota upang salaminin ang pekeng resulta na idedeklara ng COMELEC. Kaya naman hindi na nakakapagtaka ang napakabilis na transmisyon ng mga boto—dati’y inaabot ng 10 araw ang pagbibilang at canvassing ng lahat ng mga boto mula sa mga presinto pero ngayong taon ay tinapos na ito sa loob ng dalawang araw lamang. Sa ganitong pamamaraan sinadyang pahirapan ang mamamayan na silipin ang mga butas sa halalan habang nilulunod ang opinyong publiko ng pagdagsa ng minanupakturang kagila-gilalas na kalamangan ng tambalang Marcos Jr-Sara Duterte.

Bukod sa pandaraya sa bilangan, namumuro ang UniTeam sa paglabag sa mga patakaran ng eleksyon bago pa ang botohan. Dito sa TK, ikinakampanya ng mga nag-ooperasyong sundalo ang tambalang Marcos Jr.-Sara sa mga komunidad at iniulat din ang pamimigay ng pera ng mga kandidatong kahanay ng UniTeam kapalit ng pagdalo ng mga tao sa mga pagtitipon sa panahon ng kampanya. Laganap din ang red-tagging sa mga progresibong partylist at pulitikong sumusuporta sa mga pakikibakang masa, maging sa nangungunang kandidato ng oposisyon.

Nagdudumilat ngayon ang malaon nang pagsusuri ng rebolusyonaryong kilusan na hungkag, marumi at walang integridad ang reaksyunaryong halalan sa isang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Ang mga maniobrang elektoral ng MAD ay lansakang lumalapastangan sa karapatan sa pagboto ng mamamayang Pilipino at sumasagka sa kanilang hangarin na wakasan ang pasista-teroristang paghahari ni Duterte na tiyak na ipagpapatuloy ng tambalang Marcos Jr.-Sara. Ang kataksilang ito sa sambayanan ang piniling paraan ng desperadong naghaharing uri para buhusan ng malamig na tubig ang gumugulong na kilusang masa at lumalapad na pagkakaisa ng mamamayan laban sa tiranya. Natakot ang mga ito sa malalaking rali para sa kampanya ng nangungunang kandidato ng oposisyong Robredo-Pangilinan na hindi nagawang pantayan ni Marcos Jr. sa panahon ng kampanyahan. Batid ng naghaharing pangkatin na kung masusunod ang boses ng taumbayan at walang dayaan, tiyak na kakain ng alikabok si Marcos Jr. at mabibigo silang gamitin ang halalan para manatili sa poder.

Dahil hindi kapani-paniwala at katanggap-tanggap ang resulta ng eleksyon, ramdam ang ligalig mula sa iba’t ibang pwersa ng lipunan. Pilit itong inaapula ng MAD sa pamamagitan ng panlilinlang, todong saywar at disimpormasyon. Dito nagsisilbi ang mga pekeng balita, sarbey at mga troll sa social media na kinomisyon ng MAD para ikundisyon ang isip ng publiko na nangunguna ang tambalang Marcos Jr.-Sara Duterte at may napakalaking agwat sa pagitan nila nina Robredo-Pangilinan. Sinesegundahan ito ng deklarasyon ng COMELEC, PNP at iba pang ahensya na malinis at maayos ang eleksyon upang mawalan ng puwang ang pagdududa sa pagkakapanalo ni Marcos Jr. at Sara.

Sa isang banda, nilulubos ngayon ng mga panatiko ng diktadura ang dekadang pagsisikap na linisin ang pangalan ng mga Marcos-Romualdez bilang paghahanda sa muli nilang pagbabalik sa tuktok ng estado. Nais nilang ipawalang-saysay ang patung-patong na kaso ng pagnanakaw, pandarambong at paglabag sa karapatang pantao ng yumaong diktador at ipresinta ang “nanalong” pangulo na isang malugod at karapat-dapat na pinuno. Pambabastos ito sa mamamayang Pilipino na nagpunyagi’t nagbuwis ng buhay para mapatalsik sa poder ang diktador na si Marcos at hanggang ngayo’y nakikibaka para panagutin ang mga Marcos sa kanilang krimen sa bayan.

Kinakailangan na tuluy-tuloy na makibaka ang sambayanan sa susunod na mga linggo upang pigilan ang madulas na pag-akyat nina Marcos Jr. at Sara Duterte sa poder. Ang malawak at maalab na pakikibakang bayan ang tanging makapipigil dito. Panimula na ang mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng Visayas, Luzon, at ang Black Friday Protest sa Pasay City noong Mayo 13 na nilahukan ng 4,000 mamamayan. Dapat ibayong palakasin, palawakin at pag-alabin ang pakikibaka laban sa tiranya at mahigpit itong ikawing sa pakikibaka para sa karapatan at kabuhayan ng mamamayan. Kaalinsabay nito, nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa para sa pagpapaigting ng laban sa diktadura at puspusang pagsusulong ng armadong rebolusyon upang kamtin ang minimithing tunay na kalayaan at demokrasya para sa sambayanang Pilipino.###

Pangyuyurak sa kapasyahan ng taumbayan ang pandaraya sa eleksyon para ipanalo sina Marcos-Duterte