8 sa 12 bagong biling ATMOS 2000, ibinagsak sa FSMR

,

Ipinagmamalaki ng 6th ID-Joint Task Force Central ang pagdating kamakailan ng walo sa 12 bagong yunit ng modernong self-propelled 155mm Autonomous Truck Mounted Howitzer System (ATMOS 2000)—malalaking kanyon na nakasakay sa isang trak—na nabili ng reaksyunaryong estado mula sa bansang Israel. Sinabi ng mga upisyal ng dibisyon na ang naturang mga armas ay karagdagang kasangkapan na gagamitin nila laban sa “terorismo” at kontra-insurhensya.

Ang ATMOS 2000 ay itinuturing na pinakamalaking armas sa arsenal ng hukbong katihan sa kasalukuyan. Awtomatiko ang sistema nito sa pagkakarga ng mga bomba at mayroong digital fire control. May kakayahan din itong mambomba (depende sa ammunition) hanggang sa layong 41 kilometro.

Kinukunsidera ng militar ang mga ATMOS 2000 bilang “game changer” sa nakapokus na operasyong militar sa sentral at timog sentral Mindanao. Taglay nito ang makabagong teknolohiya at mga kapabilidad na ayon sa militar ay magpapalakas sa laban sa mga “kaaway ng estado” at “terorista” na kumikilos sa rehiyon.

Ang nabanggit na mga kagamitan ay mula sa Naval Base Heracleo Alano sa Sangley Point, Cavite City at dumating sa Makar Port sa Gen. Santos City noong Setyembre 30. Ibinigay ito sa 10th Field Artillery Battalion ng Army Artillery Regiment na nakabase sa Camp Lucero, Carmen, Cotabato.

Ang mga kanyong ATMOS 2000 ay pinondohan sa ilalim ng Horizon 2 ng Revised AFP Modernization Plan. Binili ito na AFP buhat sa Elbit System ng Israel sa pamamagitan ng US$47 milyon na kontratang nilagdaan noong 2020.

AB: 8 sa 12 bagong biling ATMOS 2000, ibinagsak sa FSMR