Aberyang dala ng Ungka Flyover, pinaiimbestigahan

Nagpiket noong Mayo 24 sa harap ng Ungka Flyover sa Barangay Pavia, Iloilo ang iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Bayan-Panay kasama ang mga manggagawa, sektor ng transportasyon, mga taong simbahan, at mga propesyunal upang ipanawagan ang imbestigasyon at pagpapanagot sa likod ng palpak at maanomalyang konstruksyon ng kalsada.

Mahigit dalawang buwan lamang nagamit P650-milyong bagong-gawang kalsada matapos buksan ito noong Setyembre 2022 dahil sa depektibo pagkakagawa ng pundasyon nito. Ipinasara ng mga lokal na upisyal ng prubinsya ang flyover para ipaayos sa harap ng peligro nitong gumuho. Tinatayang aabot sa ₱250 milyon ang gagastusin sa pagkukumpuni.

Isa ito sa maraming palpak na proyektong imprastruktura na imbis na makatulong ay nagdudulot pa ng dagag na pahirap sa bayan. Bago ang kilos protesta, pinaabot na ng maraming residente ang kanilang pagkadismaya sa social media.

“Kami sa transport ang pinakaapektado rito. Perwisyo lang ang dala nitong flyover,” pahayag ni Rowel Tipawan, Vice Chairman ng Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association – Western Visayas Transport Cooperative. “Malaking pera na ang nasayang ng gubyerno dito na dapat ay para sa taumbayan. Hindi lang kami ang naapektuhan kundi ang pangkabuuan lalo na ang mga kawawang estudyanteng laging late dahil sa traffic.”

Ayon rin sa mga ilang residenteng sumama sa rally, “Pinapasok kami ng hanggang tuhod na baha. Hindi na rin nakakapasok ang mga apo ko dahil dito.” Bukod sa mahabang traffic ay lalo ring napamahal ang pamasahe ng mga komyuter para maikutan lang ang abalang dala ng flyover.

AB: Aberyang dala ng Ungka Flyover, pinaiimbestigahan