Agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal, binatikos

,

Binatikos ng pambansa-demokratikong grupo na Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang naiulat na agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard laban sa BRP Malapascua, barkong Pilipino, na papunta sa Ayungin Shoal. Ayon sa grupo, “walang kahit anong karapatan ang China na harangin ang akses ng Pilipinas sa sarili nitong exclusive economic zone (EEZ)”, kung saan bahagi ang Ayungin, at maging sa Kalayaan Island Group (KIG), Scarborough Shoal at iba pang katubigan at lamang-dagat nito.

Ayon sa ulat ng gubyerno ng Pilipinas, “pinatigil” ng mga sasakyang pandagat ng Chinese Coast Guard ang mga barkong Pilipino na naglulunsad ng patrolya sa teritoryong pandagat at EEZ ng Pilipinas noong April 23. Tinawag ito ng gubyerno bilang “agresibong mga taktika” laban sa mga barkong Pilipino. Sa ulat, lumapit ang Chinese Coast Guard sa layo na 50 yarda sa BRP Malapascua na halos “mabunggo” na ito. Naitala rin umano ang katulad na insidente noong Abril 19.

Giit ng Bayan, ang sinasabi ng China na “hindi mapasusubaliang soberanya” nito sa naturang mga erya ay matagal at paulit-ulit nang nailantad na walang ligal, moral at makasaysayang mga batayan. Diin ng Bayan, ang “walang batayang panteritoryong pagigiit ng China ay hindi lamang nagpapaigting sa gitgitan ng dalawang bansa…ginagamit din itong pangangatwiran para sa lumalaking presensyang militar sa rehiyon ng katunggali nitong malaking kapangyarihan, ang USA.”

“Ang militarisasyon ng South China Sea ay hindi nagsisilbi sa mamamayang Chinese at Pilipino, as sa gitna ng pang-uupat ng US laluna sa Asia Pacific, ay naghahatid ng posibilidad ng gera na hindi gusto, pareho ng mga Chinese, Pilipino at mamamayang Amerikano,” paliwanag pa nito.

Dagdag ng grupo, ang ginagwang pangkakaya ng China ay nagpapatunay lamang na isa itong imperyalistang bansa, taliwas sa pagdadamit-sosyalista.

Sa huli, pinagtibay ng Bayan ang posisyon nito na dapat igiit sa mga bansa at gubyerno ang “de-eskalasyon ng tunggalian at demilitarisasyon sa South China Sea, pagpapaalis sa lahat ng dayuhang tropa at sasakyang militar sa West Philippine Sea.” Dapat palakasin ang pagmaksimisa sa solusyong pulitikal at diplomtatiko para maresolba ang mga tunggalian sa erya, anito.

AB: Agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal, binatikos