"Alternatibong programang pangkabuhayan," itinakwil ng mga tsuper at opereytor ng dyip

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Itinakwil ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang alok ng Department of Transportation (DOTr) na “alternatibong programang pangkabuhayan” matapos sila pagkaitan ng kabuhayan ng huwad na programa ng modernisasyon sa transportasyon.

Muling ipinagpilitan ng kagawaran ang alok nito noong Mayo 16, kasabay ng bantang “crackdown” ng LTFRB sa mga dyip na hindi pumaloob sa sapilitang konsolidasyon ng mga prangkisa. Bahagi ng “alternatibong pagsasanay” ang libreng pagsasanay sa TESDA na tinawag nitong “EnTSUPERneur” at “Tsuper Iskolar.”

Ayon sa mga tsuper, di nila kakailanganin ang alternatibong kabuhayan kung hindi ipinagkait ng gubyerno ang kanilang mga prangkisa. Anila, ang kanilang kasanayan ay nasa pagmamaneho at pumasa sila sa pagsusulit para maging propesyunal na drayber. Tanong nila, paano nila bubuhayin ang kanilang mga pamilya at pag-aaralin ang kanilang mga anak kung sasabak pa sila sa “pagsasanay” sa TESDA sa mga trabahong malayong-malayo sa kanilang kasanayan?

Samantala, iginiit ng PISTON na hindi dapat hulihin ang mga dyip na hindi nagpakonsolida dahil hindi “kolorum” ang mga ito.

“Ang ating mga jeepney ay hindi po kolorum sapagkat ito ay may lehitimong mga prangkisa. Ang (nangyari) lang dito, expired ang kanilang prangkisa sa kadahilanan na ayaw i-renew ng LTFRB,” pahayag ni Mody Floranda, pambansang presidente ng Piston sa isang interbyu sa radyo. Paliwanag niya, ang kolorum ay yaong mga sasakyang hindi mga pampasahero pero namamasada. Ang mga drayber ng mga dyip, sa kabilang banda, ay may hawak na prangkisa at sa gayon ay lehitimong karapatang mamasada.

“(Ang mga prankisa) ay hindi basta-basta tinatanggal sa ating mga operator,” ayon kay Floranda. Dapat dumaan sa proseso ang LTFRB kung saan ipatatawag muna nito ang mga drayber na hindi “tumatalima” sa PUVMP, at hindi basta-basta na lamang silang hulihin at kunin ang kanilang mga sasakyan, aniya.

Sa huling ulat ng Piston, wala pang drayber na pinatatawag ang LTFRB “para magpaliwanag.” Sa halip, nagsimula nang manghuli ang mga pulis sa di konsolidadong dyip, kahit pa wala kasulatan at mga alintuntunin ang LTFRB para gawin ito.

AB: "Alternatibong programang pangkabuhayan," itinakwil ng mga tsuper at opereytor ng dyip