Alyansa kontra reklamasyon sa Bacolod city, inilunsad
Mahigit 80 purok, lider komunidad, taong simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang nagkaisa upang ilunsad ang Banago Against Reclamation Movement noong Setyembre 10 sa Nuestra Señora de Salvacion Parish sa Barangay Banago, Bacolod City.
Ayon sa planong reklamasyon sa Barangay Banago, 274 ektarya ang sasaklawin ng Bacolod Reclamation Gateway Corporation na pagmamay-ari ng konsehal ng Bacolod na si Vladimir Gonzales. Tatamaan nito ang mahigit 6,000 kabahayan na nakatira sa baybay-dagat ng Sibucao sa Barangay Banago hanggang Barangay Punta Taytay sa Bacolod City. Sisirain din nito ang mga halaman at hayop na nabubuhay sa lugar.
Kinundena rin ng alyansa ang paglalabas ng Resolution of No Objection (RONO) ng Sangguniang Panglunsod ng Bacolod. Anila, hindi ito idinaan sa nararapat na proseso at walang konsultasyong naganap kasama ang mga residente sa lugar.
Ayon sa punong barangay ng Barangay Banago, hindi inaprubahan ng konseho ng barangay ang RONO para sa proyekto.
Wala din itong nararapat na permit mula sa mga ahensya ng gubyerno.