Anti-drayber na bagong patakaran sa ruta ng dyip sa Iloilo City, bahagyang napaatras

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Natulak ng isang araw na tigil-pasada ng mga drayber sa tinatawag na “first town” o mga bayan sa paligid ng Iloilo City noong Hunyo 3 ang lokal na gubyerno ng prubinsya ng Iloilo na tugunan ang ilan sa kanilang mga panawagan. Naigiit nila ang pagtataas mula sa 25% tungong 40% ng mga dyip na papayagang makabyahe sa syudad sa lahat ng oras.

Ang pagpapaliit ng bilang ng mga dyip na bumabyahe sa Iloilo City ay kaugnay ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) nito na bahagi ng kabuuang Public Utility Vehicle Modernization Program o jeepney phaseout.

“Malinaw na bahagi pa rin ito ng pagmasaker ng pamahalaan sa kabuhayan ng mga tsuper at operator at pagpapatindi sa pagdurusa ng mga komyuter,” pahayag ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Anang grupo, nananatiling kapos ang pagpapahintulot ng 40% ng mga dyip mula sa mga bayan sa paligid ng Iloilo City. Lubhang apektado nito ang mga ruta ng Leganes, Pavia at Oton, at posibleng hanggang San Miguel.

Nangangamba ang mga drayber na bumagsak ang kanilang kita dahil sa pagbabawal na makabyahe sa syudad. Sa dating iskema, kumikita lamang ang karaniwang drayber ng ₱700-₱800. Maaari bumaba ito tungong ₱100-₱300 sa ilalim ng bagong patakaran.

Samantala, nagpatupad rin ng mga pagtaas ng singil sa pasahe dahil sa limitadong mga dyip na pinababyahe sa mga ruta sa syudad. Sa loob ng Iloilo City, nasa 520 “modernisadong dyip” o minibus at 1,692 na nagkonsolidang mga dyip ang bumabyahe ngayon sa ilalim ng LPTRP.

“Malinaw na repleksyon ito na ang buong programa ng negosyo at makadayuhang [PUVMP], kabilang ang LPTRP, ay isang malaking banta sa [drayber at komyuter],” anang Piston.

Tuluy-tuloy namang igigiit ng mga drayber ang pagbabalik sa dating sistema kung saan 100% ng mga dyip mula sa mga “first town” ang pinapayagang pumasok sa syudad.

AB: Anti-drayber na bagong patakaran sa ruta ng dyip sa Iloilo City, bahagyang napaatras