Asosasyon ng pribadong mga eskwelahan, umatras bilang myembro ng NTF-Elcac
Ikinalugod ng mga progresibong organisasyon at kabataan ang desisyon ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na umatras bilang bahagi ng pasistang NTF-Elcac. Inianunsyo ng asosasyon ang desisyon noong Pebrero 2, matapos isagawa ang mga konsultasyon sa mga myembro nitong eskwelahan.
Ayon sa asosasyon, umaatras na ito sa ahensya para itaguyod ang academic freedom. Binigyan-diin nito ang pangako na pangalagaan ang kalidad ng edukasyon at mapanatili ang independensya bilang isang pribadong institusyon.
Lampas tatlong buwan pa lamang ang COCOPEA sa NTF-Elcac bago nito baligtarin lahat ang ginawa nitong pagdadahilan. Pumasok bilang myembro ng NTF-Elcac noong Nobyembre 2024 sa pagdadahilang para ito sa pagtataguyod ng “pagkakaisa at kapayapaan” at para “makatulong na itaas ang kalidad ng edukasyon” sa Pilipinas.
“Inisyal na hakbang ito para mapigilan ang makasalanang institusyon na ito sa mga eskwelahan,” pahayag ni Kej Andres, pangulo ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).
Ang pag-atras ng COCOPEA ay itinuturing ng maraming mga progresibo bilang patunay ng kapangyarihan ng protesta laban sa baluktot na mga patakaran at hakbang. Noong Nobyembre, pumirma ang 25 organisasyon ng estudyate para kundenahin ang pagpasok ng COCOPEA sa ahensya, na anila’y ginagamit ng estado para supilin ang kritikal na pag-iisip sa loob ng mga paaralan.
Patuloy na binalaan ng kabataan ang COCOPEA laban sa patuloy na pakikipagtulungan nito sa NTF-Elcac. Panawagan nilang tuluyang putulin ang ugnay nito sa ahensya.
“Dapat walang kolaborasyon sa pagitan ng NTF-Elcac at COCOPEA. Dapat nakapokus ang mga eskwelahan sa transparency, academic freedom at suporta sa edukasyon kaugnay sa kapayapaan,” ayon kay Andres. “Walang lugar ang ahensyang ito sa lipunang naghahangad ng makatarungan at matagalang kapayapaan.”
Noong Setyembre 2023, naging bahagi din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa NTF-Elcac sa maiksing panahon. Sa parehong buwan, umatras din ang CBCP sa ahensya matapos umani ang batikos ang kanilang hakbang.