Balita

"Assumption of Jurisdiction" ng DOLE sa welga sa Nexperia, kinundena

,

Nagprotesta ang mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa pangunguna ng unyon nitong Nexperia Philippines Inc Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) sa pambansang upisina ng Department of Labor and Employments (DOLE) ngayong araw, Pebrero 6, para batikusin ang Assumption of Jurisdiction (AJ) na inilabas ng ahensya. Epektibong ipinagbawal ng AJ na inilabas ni DOLE Sec. Bienvenido Laguesma noong Pebrero 5 ang ikakasang welga ng mga manggagawa ng Nexperia.

Matatandaan na bumoto ang mayorya ng mga kasapi ng NPIWU-NAFLU-KMU noong Disyembre 20, 2024 para ikasa ang isang welga bilang sa isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Paglaban rin nila ito sa iligal na tanggalan at pagsibak sa trabaho sa apat na upisyal ng unyon kabilang ang pangulo nito noong Disyembre 17, 2024.

Ang AJ ay isang kautusan na inilalabas ng kalihim ng DOLE sa mga labor dispute sa isang industriya na “mahalaga sa pambansang interes”. Magdudulot ng awtomatikong pagtigil sa anumang welga o lockout, at oobligahing agad magbalik sa trabaho ang mga manggagawa at ituloy ang operasyon ng kumpanya. Sa bisa nito, maaaring pakilusin ng DOLE ang mag pulis at militar para tiyakin ang pagsunod ng mga manggagawa sa AJ.

“Ang paglaban ng mga manggagawa ng Nexperia ay nakatuntong sa karapatan nilang magwelga dahil hindi binibigay ng ganid na Nexperia ang kanilang panawagang makubuluhang dagdag sahod at reinstatement ng mga lider unyon na kanilang tinanggal gamit ang gawa-gawang kaso,” pahayag ng pederasyong NAFLU-KMU.

Ayon pa sa pederasyon, inilinaw lamang ng AJ ng DOLE ang pagiging inutil nito bilang ahensya sa paggawa. “Wala nang aasahan [ang mga manggagawa] sa mga opisyales ng gobyerno na dapat ay pumapagitna at inilalaban ang kanilang karapatan,” anang NAFLU-KMU.

Para sa Center for Trade Union and Human Rights (Philippines), labag ang AJ sa karapatan ng mga manggagawa sa pakikipagnegosasyon sa CBA at karapatang magwelga. “Nais naming ipaalala kay Sec. Laguesma na mayroon nang hatol ang International Labour Organization Committee of Experts on the Application of Conventions (ILO CEACR) na lumalabag sa ILO Conventions 87 at 98 ang kapangyarihan ng kalihim sa paggawa na mag-assume ng jurisdiction sa mga labor dispute dahil labag ito sa karapatan sa kolektibong pakikipagtawaran at magwelga ng mga manggagawa,” ayon sa institusyon.

Giit nilang kaagad na ibasura ni Sec. Laguesma ang AJ at tugunan ng Nexperia ang matagal nang hinaing ng mga manggagawa dito.

Ang Nexperia ay bahagi ng isang multinational semiconductor company na lumilikha ng mga chips na ginagamit sa automative industry, e-vehicles, cellphones, at iba pa. Kasama sa mga kliyente nito ang Bosch, Continental, Denzo, Huawei, Neltz, Tesla, Xiaomi at Samsung. Ang hedkwarters nito ay sa The Netherlands at China.

AB: "Assumption of Jurisdiction" ng DOLE sa welga sa Nexperia, kinundena