Bagong batas sa karagatan, wag hayaang gamitin ng US para manulsol ng gera
Dapat maging mapagbantay ang mamamayang Pilipino sa mga pahayag ng suporta ng imperyalismong US at mga alyada nito sa NATO sa Europe pagdating sa pag-angkin ng Pilipinas sa mga karapatan nito sa karagatan. Ito ang paalala ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, kaugnay sa batas na pinirmahan ng rehimeng Marcos na nag-institusyunalisa sa desisyon ng International Arbitral Court kaugnay sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa South China Sea.
Dalawang batas ang pinirmahan ni Ferdinand Marcos noong Nobyembre 8. Ang isa dito ay ang Maritime Zones Act (Republic Act 12064) na naglalaman ng naturang desisyon. Tinukoy nito ang mga maritime zone ng Pilipinas na binubuo ng: 1) internal waters; 2) archipelagic waters; 3) territorial sea (saklaw ang 12 nautical mile mula sa baseline); 4) contiguous zone (saklaw ang 24 nautical mile mula sa baseline); 4) exclusive economic zone (saklaw ang 200 nautical mile mula sa baseline) at 5) continental shelf. Ang lahat ng ito ay sumalamin sa mga pamantayan na itinakda sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Ang pangalawang batas, ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065), ay komplementaryong batas na nagtatakda ng mga ruta para sa dayuhang mga barko at eroplano na dumadaan sa naturang mga karagatan. Saklaw ng archipelagic waters ang lahat ng katubigan sa paligid, pagitan at nagdudugtong ng mga isla ng isang arkipelago.
“Sa pangkalahatan, ang mga batas na ito ay tumutulong para palakasin ang mga pag-angkin ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS at nagpapalakas sa pusisyon ng bansa laban sa (mga pag-angkin) ng China,” ayon kay Valbuena. Pinansin niya ang suporta ng mga karatig-bansa sa Southeast Asia, na sa kalakhan ay matagal nang nag-institusyunalisa ng katulad na mga maritime zones. Ang Vietnam ay may Law on the Sea, ang Malaysia ay may Continental Shelf Act habang ang Indonesia ay may Archipelagic Law. Gayundin, isinabatas din sa Thailand ang saklaw ng territorial waters at EEZ nito. Ang Vietnam at Malaysia, tulad ng Pilipinas, ay may hidwaan sa karagatan laban sa China.
“Gayunpaman, dapat maging mapagbantay ang mga Pilipino sa mga pahayag ng suporta mula sa US at mga alyado nito sa NATO sa Europe. Ang mga imperyalistang kapangyarihang ito, sa kasaysayan at sa kasalukuyan, ay notoryus sa pagpataw ng kanilang hegemonya at pakikialam sa mga usapin sa mga soberanong bansa, kabilang sa Pilipinas.”
Sa nakaraang dekada, pinalakas ng US ang presensyang militar nito sa South China Sea laban sa karibal nitong imperyalistang China. Nagsasagawa ito ng mga maniobrang mapandigma, sa tabing ng mga war games at freedom of navigation operations. Nagpupwesto rin ito ng mga opensibong armas sa mga bansa para palibutan ang China, kabilang sa Pilipinas.
Ayon kay Valbuena, maaari at nararapat na mapayapang resolbahin ang mga sigalot sa karagatan sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng dayalogo at iba pang diplomatiko o ligal na larangan. “Nasa interes ng mamamayang Pilipino at Chinese na iwasan sa abot ng makakaya ang pagsiklab ng sigalot.”