Batas laban sa patakarang “no permit, no exam,” naigiit ng kabataang Pilipino

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naigiit ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng kinatawan nito sa Kabataan Partylist ang batas laban sa patakarang “no permit, no exam” sa mga eskwelahan sa bansa. Naging ganap nang batas ang “No Permit, No Exam Prohibition Act” o ang Republic Act 11984 noong Marso 11. Unang inihain ng Kabataan Partylist ang naturang panukala noon pang 2007.

“Matagal nang ipinanawagan ng mga estudyante at magulang ang pagpapatigil sa patakarang ito sa mga paaralan,” pahayag ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel. Ikinatuwa ng marami ang balita na naging batas ito, gayunman, tinawag niyang “killjoy” si Marcos Jr dahil pinalabnaw ang bersyon ng batas na pinirmahan nito.

Dismayado si Rep. Manuel dahil sa pinirmahang bersyon ay kailangan pang kumuha ang mga estudyante ng sertipikasyon sa Department of Social Welfare and Development para patunayan na hindi nila kayang magbayad bago ang panahon ng pagsusulit. Ibinaba rin ni Marcos Jr ang parusa sa mga paaralang lalabag sa batas.

“Lumilitaw na parang ayaw talaga ng administrasyong Marcos Jr na ipatigil ang patakaran, ngunit napilitan lang na pirmahan ang batas para masabing may ginagawa ito sa gitna ng krisis sa edukasyon,” patutsada pa ng kinatawan.

Nalalantad din umano ang pagkiling ng administrasyon sa mga pribadong unibersidad at eskwelahan sa pag-apruba nito sa taunang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. “Pinoprotektahan pa rin ng Malacañang ang limpak-limpak na kita ng mga dambuhalang negosyo na nagmamay-ari ng mga paaralan,” aniya.

Ganito rin ang pananaw ng League of Filipino Students (LFS). Sa pahayag ng grupo, binigyang diin nito na sa ilalim ng isang komersyalisado at anti-estudyanteng sistema ng edukasyon, kahit pa pinirmahan ang naturang batas, ay natutulak pa rin ang mga estudyante at kanilang pamilya na umutang, magbayad ng napakamamahal na bayarin at ang iba pa nga ay napipilitang tuluyang huminto sa pag-aaral.

“Ang nag-uumapaw na bilang ng mga manggagawang hindi natapos ang kanilang kurso sa kolehiyo ay humihila sa presyo ng paggawa (sahod), na lalong nagpapatindi sa kahirapan,” ayon sa grupo. Ang ganitong balangkas ay bahagi ng neoliberal na sistema ng edukasyon, hindi lamang sa bansa, kundi sa buong daigdig, anito.

Muling ipinanawgan ng LFS ang pagtataguyod sa isang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon na anito ay mangangalaga sa demokratikong karapatan ng mga estudyante at magtitiyak ng kalidad na edukasyon para sa lahat.

Samantala, nanawagan ang Kabataan Partylist na iulat sa upisina nito ang mga insidente ng pwersahang paniningil ng matrikula at iba pang bayarin kapag papalapit na ang panahon ng pagsusulit sa mga paaralan.

AB: Batas laban sa patakarang "no permit, no exam," naigiit ng kabataang Pilipino