Balita

Berdugong batalyon ng Scout Rangers, ipinakat sa Northern Samar

Dumating noong Disyembre 11 ang berdugong batalyon na 4th Scout Ranger Battalion (4SRB) sa isla ng Samar, matapos silang magsanay sa Australia sa mga taktika sa operasyong air to ground combat, at small unit operations. Itatalaga ang batalyon sa prubinsya ng North Samar, para gapiin diumano ang mga “labi” ng Bagong Hukbong Bayan sa “iilang barangay.”

Ipapailalim ang naturang batalyon sa 8th ID at sa Joint Task Force Storm sa Eastern Visaya, na kasalukuyang may 12 nang batalyon. Pinamumunuan ang batalyon ni Lt. Col. Ricarte Dayata.

Halos isang taon nang walang-awat ang malalaking operasyong pangkombat ng AFP sa naturang rehiyon na kinatatampukan ng brutal na mga pang-ereng pambobomba at panganganyon sa mga komunidad, bukid at gubat. Ilandaang mga barangay ang pinopokusan ng mga operasyong saywar at panunupil ng AFP sa tabing ng programang “sibil-militar.”

Bago “nagsanay” sa Australia, naghasik ng lagim ang 4SRB sa rehiyon ng Caraga. Matagalang idineploy ang mga tropa nito sa rehiyon noong 2014, kasabay ng pagtatatag ng 3rd Special Forces Battalion sa Sibagat, Agusan del Sur. Nasa ilalim ng 402nd IBde ang 4SRB, kasama ng 23rd IB, 4th MIB, 42nd DRC at Tactical Operations Group 10 ng Philippine Air Force.

Ang mga yunit na ito ang nagsagawa ng mga pamboboma, pamamaslang, pang-aaresto at pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan sa mga barangay sa Agusan del Norte at Misamis Oriental. Kabilang sa mga krimen ng yunit na ito ang pagpatay sa isang bata sa Manila de Bugabos sa Butuan City noong 2019 at paglapastangan sa mga bangkay ng 10 mandirigmang napatay sa pambobomba sa Gingoog City noong Mayo 13, 2020.

Noong 2017, pansamantalang itinalaga ang 4SRB sa Marawi City, partikular sa Bato Ali Mosque, kung saan napakaraming paglabag sa karapatang tao ang naitala. Ipinailalim ito noon sa 501st IBde. May ilang panahon ding itinalaga ang yunit sa Basilan.

AB: Berdugong batalyon ng Scout Rangers, ipinakat sa Northern Samar