Balita

Pagtapon ng basura sa dagat ng kumpanyang ALINDECO, pinaiimbestigahan ng mga mangingisda sa Albay

Nananawagan ang mangingisda ng Pawa Fisherfolk Association sa ilalim ng Lakas ng Maliliit na Mangingisda ng Bicol (LAMBAT-Bicol) ng imbestigasyon at pananagutan sa Albay Agro-Industrial Development Corporation (ALINDECO) sa ilang dekada na nitong pagtatapon ng chemical waste sa dagat sa Tabaco City, Albay.

Ang ALINDECO ay nagproproseso ng aback na ginagamit sa paggawa ng mga espesyal na klase ng papel. Nag-eksport ito sa Japan, China, Germany, sa iba’t ibang bansa sa Asia at Europe. Marami nang henerasyon ng mga mangingisda sa baybayin ng Tabaco City ang nagrereklamo sa perwisyong idinudulot nito mula nang magbukas ang pabrika noong 1978.

Ayon sa LAMBAT-Bicol, nagtatapon ng production waste ang kumpanya sa karagatang sakop ng Tabaco City na sumira sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda.

Apektado rin ang kalusugan ng mga residente at mangingisdang malapit sa lugar. Nakararanas sila ng paghapdi at pagsusugat ng balat tuwing nabababad sa maruming tubig mula sa planta. Sa Barangay Pawa pa lamang, mahigit 300 mangingisda na ang dumadaing sa pinsalang idinudulot ng kumpanya.

Dahil din sa polusyon, hirap na tumubo ang mga bagong tanim na mangrove cuttings mula nang mababad ang baybayin ng itinatapong kemikal ng kumpanya sa dagat.

Matagal nang isinasangguni ng mga mangingisda at mga residente ang perwisyo ng kumpanya sa lokal na pamahalaan ng Tabaco City, at sa mga ahensyang dapat sana’y nakatutulong sa sitwasyon nila, gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ngunit hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin tinutugunan ang kanilang hinaing.

Giit ng LAMBAT-Bicol, dapat mapanagot ang ALINDECO at iba pang mga korporasyon na sumisira sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Hindi mananahimik ang mga mangingisda hanggat hindi tinutugunan ng pamahalaan ang kanilang panawagan para sa kaligtasan at sustenableng kabuhayan.

AB: Pagtapon ng basura sa dagat ng kumpanyang ALINDECO, pinaiimbestigahan ng mga mangingisda sa Albay