Balita

BHB-Northern Negros, determinadong ipagpapatuloy ang digmang bayan

,

Matapos ang madugong masaker sa Toboso 19 noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental, idineklara ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang kahandaan at determinasyong ipagpapatuloy ang digmang bayan bilang pagkakamit ng hustisya sa mga minasaker. Sampu sa mga napatay ay mga Pulang mandirigma ng yunit habang siyam ay mga hindi armadong indibidwal.

Kasama sa mga namartir ang kumander ng BHB-Northern Negros na si Roger Fabillar (Ka Tapang) at instruktor sa pulitika ng yunit na si Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat). Napaslang din sina Rene Villarin Sr (Ka During), iskwad lider; Genevieve Balora (Ka Raia), kadre ng Partido sa distrito; Pedro Bonghanoy (Ka Regen), upisyal sa medikal; Sonny Boy Caramihan (Ka Nikki); Arnel Javoc (Ka JR); Joros Caramihan (Ka Bunso); Labskie Purisimia Enustacion (Ka Judy); at Jocel Gimang (Ka John Paul).

Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, malaki ang ginampanang tungkulin ng mga namartir. Aniya, bilang mga Pulang mandirigma ng hukbong bayan ay direkta silang lumahok sa produksyon ng mga magsasaka, nagsagawa ng mga talakayan tungkol sa karapatan ng mga pinagsasamantalahan, at nagbigay ng mga serbisyong panlipunan sa mamamayang Negrosanon.

Bilang pangunahing instrumento ng pagsusulong ng digmang bayan ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Northern Negros, nagkatulong ang yunit ng BHB sa pagpapalawak at pagpapalakas ng baseng masa at mga sangay ng Partido. Sa ulat ng komite noong Disyembre 2025, lumawak noong taong iyon nang 30% ang kasapian ng Partido at naitayo ang bagong mga sangay sa malalapad na erya. Lumaki rin nang halos 50% ang kasapian ng mga lihim na organisasyong masa habang tatlong ulit na lumago ang bilang ng mga nauugnayan ng rebolusyonaryong kilusan.

Nadoble rin ng BHB-Northern Negros ang lapad ng eryang kinikilusan nito at nakapaglunsad ng hindi bababa sa 19 na mga opensiba at kontra-opensibang aksyong gerilya. Naisagawa ang mga operasyong ito hanggang sa mga bayan na malapit sa kabisera ng prubinsya at mataong mga lugar.

“Saludo kami sa mga bawat isang Pulang mandirigma na buong giting na isinapraktika ang makauri at hindi magagaping diwa ng Bagong Hukbong Bayan!” pahayag ni Estrella. Dagdag niya, ang mga naiwang Pulang mandirigma ay patuloy na kikilos at magpapalakas upang makamtan ang hustisya para sa lahat ng biktima.

Ayon pa kay Estrella, ang kamatayan ng mga martir ay kasimbigat ng Bundok Kanlaon at ang kanilang legasiya ay patuloy na nabubuhay sa bawat luha, pawis, at dugong dumadaloy sa masa. “Sila ang mga binhi, tubig, at sinag ng araw na higit lalong nagpayabong sa mga inaaning tagumpay ng rebolusyon sa isla ng Negros at buong bansa,” aniya.

“Habang lumalala ang pandaigdigang krisis, mas lalong naitututak ang sambayanan sa isang kundisyon kung saan ang tanging pagpipilian na lamang nila ay ang pagtangan sa rebolusyonaryong dahas upang ipagtanggol ang sarili at kapwa,” ayon kay Estrella. Ito rin umano ang dahilan kung bakit mula nang naitatag ang BHB sa Tarlac noong 1969, umugat at lumawak sa buong bansa hanggang sa Negros Island, ay nananatili ito at nakapagpupunyagi.

“Limampu’t-pitong na taon nang tinatangka ng mga reaksyonaryong pwersa na puksain ang armadong paglaban ngunit hindi magawang ugatin ito. Hindi kailanman magagap ng mga pasistang sundalo at kanilang mga amo na hangga’t mayroon pang masa na nasasadlak sa kahirapan ay tiyak na susulong ang digmang bayan,” pahayag pa ni Estrella.

AB: BHB-Northern Negros, determinadong ipagpapatuloy ang digmang bayan