BrahMos missile weapon systems mula India, hawak na ni Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dumating na sa Pilipinas ang unang bats ng BrahMos missile weapon systems mula sa India noong Abril 19. Ang kontrata sa pagbili ng mga misayl na ito ay unang nabuo ng Pilipinas at India noong Enero 2022. Nagkakahalaga ang mga armas ng $375 milyon o ₱18.9 bilyon at binayaran gamit ang pondo ng bayan.

Inaasahang gagamitin ito ng rehimeng Marcos para higit pang painitin ang tunggalian sa China sa West Philippine Sea (WPS), bagay na sinusulsulan ng US.Tuwirang nagbanta ni Jonathan Malaya, assistant director general ng National Security Council, na magagamit ito laban sa “mananakop” sa teritoryong pantubig ng bansa, na malinaw na pumapatungkol sa China.

Sinasabi naman ng ilang upisyal militar ng rehimeng Marcos na ang bagong misayl na Brahmos ay magbibigay ng dagdag na kakayahan sa Pilipinas at magagamit na “deterrence” o pampigil sa kahit anong tangkang atakehin ang soberanya at soberanong mga karapatan ng bansa.

Itinaon din ang pagdating ng armas sa panahon ng sunud-sunod na mga war games ng militar ng US, Pilipinas at iba pang mga dayuhang militar sa lupa, dagat at kahanginan ng bansa.

Ang BrahMos missle, na maaaring ikabit sa submarine, barko, eroplano o gamitin sa kalupaan, ay isang armas laban sa mga barko. Kaya nitong abutin ang hanggang sa layong 290 kilometro, higit kalahati sa 370.4 kilometrong (200 nautical miles) exclusive economic zone ng Pilipinas mula sa baybayin.

Ang kada sistema nito ay mayroong dalawang missile launcher, isang radar at command-and-control center. Dalawang misayl ang kayang paliparin nito sa loob lamang ng 10 segundo. Ipagagamit ang BrahMos sa Coastal Defense Regiment ng Philippine Marine Corps. Ang misayl na Ito ay gawa ng BrahMos Aerospace Pvt Ltd., isang kumpanyang India-Russian.

Ang naturang armas ang kauna-unahang supersonic misayl ng Pilipinas. Ito rin ang unang ineksport na armas pandepensa ng India. Ang India ay kabilang sa grupong Quadrilateral Security Dialogue, kasama ang US, Australia at Japan. Aktibo itong ginagamit ngayon ng US sa heyopulitikal na estratehiya laban sa China. Sa kabilang panig, kabilang din ang India sa BRICS na kinabibilangan ng Brazil, Russia, China at South Africa.

AB: BrahMos missile weapon systems mula India, hawak na ni Marcos