Brown-out at kawalang-tubig sa Negros, mukha ng pribatisasyon ng batayang mga serbisyo
Binatikos ng Bayan-Negros ang 48-oras brown-out (pagkawala ng kuryente) sa mga barangay ng Handumanan, Alijis, Mansilingan at iba pang lugar sa Bacolod City noong Agosto 23-24. Nawalan ng kuryente ang 42,000 kabahayan dahil nasira (breakdown) ang 37 megawatt amperes na transformer sa Alijis substation at kainutilan ng Negros Power na ayusin ito.
“Ang insidenteng ito ay nagsisilbing patikim sa dadanasin ng mga konsyumer sa ilalim ng maneydsment ng Negros Power na pagmamay-ari ni (Enrique) Razon sa pamamagitan ng kasunduang joint venture nito sa Negros Electric Power Corp,” ayon sa grupo. Halimbawa ito ng kapalpakan ng pribatisasyon na inilakong maghahatid ng mas maayos na serbisyo. Sa kabila ng mga pangako, nabunyag ng brown-out ang kawalan ng kahandaan at kainutilan ng pribadong kumpanya ni Razon na pangasiwaan ang kritikal na imprastrukturang ito sa isla.
“Atat na atat (ang lokal na gubyerno) na iratsada ang pagbili (ng Negros Power) sa Central Negros Electric Cooperative (CENECO) na sinuhulan pa nito ang mga konsyumer para pumayag sa joint venture agreement (JVA), pero di nito naisip ang mga problemang idudulot nito at hirap na dadanasin ng mga konsyumer,” ayon sa grupo. Resulta din ang brown-out sa pagpatalsik sa 300 manggagawa ng CENECO, kabilang ang mga lineman na deka-dekada nang may karanasan sa pag-troubleshoot ng mga problema tuwing may brown-out, anito.
“Ang paghahabol ng kita sa kapinsalaan ng pampublikong serbisyo ay gawain mismo ng pribatisasyon,” ayon sa Bayan-Negros. Isa sa may pinakamataas na presyo per kilowatt hour (kwh) sa kuryente ang isla. Sa Northern Negros, nasa ₱15.79/kwh ang singil noong Hulyo. Sa Central Negros, nasa ₱13.34/kwh na ang singil noong Hulyo, mula sa ₱12.76/kwh noong Hunyo. Samantala, itinaas ng Negros Occidental Electric Cooperative (NOCECO) ang singil nito nang ₱1.31/kwh, mula ₱14.80/kwh noong Hunyo tungong ₱16.11 noong Hulyo.
Isiniwalat ng Bayan-Negros na balak din ni Razon na bilhin ang Negros Occidental Electric Cooperative (NOCECO) sa Southern Negros.
Habang nagaganap ang brown-out, inanunsyo naman ng pribadong kumpanyang Primewater ng pamilyang Villar na mawawalan ng tubig ang ilang barangay ng Bacolod City.
“Bago pa ang anunsyong ito, palpak na ang Primewater sa mga pangako nitong pauunlarin ang serbisyo ng Bacolod City Water District (BACIWA),” ayon sa grupo. Ito ay dahil nananatiling hindi regular ang serbisyo at nananatiling kulay-kape ang tubig na umaagos sa mga gripo.
Batid ng grupo na hindi lamang ang mga pampublikong yutilidad ang problema ng mga Bacolodnon at Negrosanon. Anito, sa ilalim ng meyor ng syudad na si Albee Benitez, nanaig ang mga interes ng malalaking kumpanya sa mga usapin ng lupa, pabahay at kahit sa karagatan.
Panawagan ng Bayan-Negros sa mga Bacolodnon at Negrosanon na magkaisa at kumilos para tiyakin ang batayang serbisyo sa mamamayan, at hindi lamang para sa kasakiman ng iilan.