COA, hinimok na ilabas ang ulat sa paggastos ni Marcos Jr sa ₱4.57 bilyong CIF
Hinamon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Commission on Audit na maglabas ng ulat kaugnay sa paggastos ni Ferdinand Marcos Jr ng confidential at intelligence funds (CIF) ng kanyang upisina sa nakaraang taon.
Ayon kay Renato Reyes, presidente ng Bayan, dapat masuri ito ng publiko tulad ng pagsuri sa CIF ng bise-presidente. Panahon na para tanggalin lahat ng klase ng confidential funds, kabilang ang pondo para sa presidente.
“Sa ngalan ng transparency at accountability, dapat ilabas ng COA ang lahat ng nalalaman nito kaugnay sa CIF ng upisina ng presidente,” pahayag ni Reyes.
Noong 2023, ginastos ni Marcos ang ₱4.57 bilyon na inilaan niyang CIF sa kanyang upisina, na halos kalahati ng kabuuang ₱10.4 bilyong CIF sa badyet. Mas mataas ito sa ₱4.5 bilyong CIF na ginastos ng Malacañang noong 2022. Ilang ulit itong mas malaki kumpara sa CIF ni BP Sara Duterte.
Tinukoy ni Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation na katumbas ito sa ₱12.5 milyon kada araw sa loob ng 365 araw. Mas mataas ito sa ₱11.4 milyon kada araw na ginastos ni Duterte sa loob ng 11 araw. Inilarawan ito ni Reyes na “nakahihilong halaga.” (mindblowing amount).
Batay sa mga ulat, ginastos ang naturang halaga sa sumusunod: ₱2.2 bilyon bilang confidential expenses; ₱2.3 bilyon para sa intelligence expenses; at mahigit ₱10 milyon para sa “extraordinary” at “miscellaneous” expenses.