Balita

Daan-daang estudyante at guro ng UPLB, nagkaisa sa panawagang “Duterte Panagutin, Marcos Singilin!” sa “First Day Rage”

Higit 800 na estudyante, guro at manggagawa ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang lumahok sa “First Day Rage,” isang malawakang mobilisasyong ginanap sa unang araw ng pagbubukas ng semestre noong Enero 27. Pinatampok ng mga estudyante at kawani ang mga isyu sa pamantasan, mayor dito ang kaltas sa badyet, banta sa seguridad, kalayaang pang-akademiko, kasama rin ang panawagang “Impeach Sara Now!”

Tinapyasan ng ₱2.08 bilyon na badyet ang University of the Philippines ngayong taong 2025. Ito na ang pinakamalaking tapyas sa pondo ng UP System sa nagdaaang 9 na taon. Patunay ang kaltas na ito ng maling alokasyon ng pondo kasalukuyang rehimeng US-Marcos. Bulto ng pondo para sa taong 2025 ay nakalaan sa mga proyektong pang-imprastruktura. Lumobo rin ang badyet para sa kontra-insurhensya at “confidential funds.”

Matatandaang sa mga imbestigasyong isinagawa ng House of Representatives sa Office of the Vice President Sara, nabunyag ang maanomalya paggamit ni Sara Duterte ng pondo ng bayan sa ₱125 milyong confidential funds noong taong 2024. Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang ganitong panlilinlang at maanomalyang paglustay ng kaban ng bayan ay basehan para sa impeachment.

Naging bahagi ng programa ang panawagan laban sa korapsyon at ang agarang pagpapatalsik kay Sara Duterte, pagpapakulong sa ama nitong si Rodrigo Duterte, at pagsingil sa rehimeng US-Marcos.

Isyu sa kampus

Dahil sa kawalan ng badyet para sa batayang mga ahensya, partikular sa edukasyon, naiipit ang pondong nakalaan para sa mga estudyante at guro. Isa sa tampok na isyung ibinunyag sa kilos protesta sa UPLB ay ang anti-estudyanteng mga patakaran sa College of Veterinary Medicine (CVM).

Ayon sa CVM Student Council, mayor na suliranin ng mga estudyante ang “block sectioning” at “advanced registration” na naglalayon umanong mabigyan ng takda at permanenteng slots ang mga mag-aaral. Ayon sa konseho, labis nitong binabalam ang pagrerehistro ng mga hindi regular na estudyante na bumubuo rin ng malaking bahagi ng populasyon ng kolehiyo. Sa kasalukuyan, 44.82% sa mga estudyante sa nasabing kolehiyo ang “underload” o kulang ang kinukuhang “unit.” Pasanin din ng mga estudyante ang pagbili ng mga laboratory manual at kagamitan na kailangan para sa kanilang edukasyon.

Bukod sa suliranin sa usapin ng enrolment, kinakaharap din ng mga estudyante ng UPLB ang kabi-kabilang banta sa kalayaang akademiko. Kamakailan lamang, tinuligsa ng komunidad ng UPLB ang ipinadalang memo ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) at Security Safe Office (SSO) sa University Student Council (USC), kung saan inoobliga ang mga estudyante na humingi ng permiso at paunang abiso tuwing may ilulunsad ng protesta sa loob ng unibersidad. Mariin itong tinutulan ng mga organisasyon at alyansa ng mga estudyante at kaguruan sa pamantasan.

Ayon sa All UP Academic Employees Union (AUPAEU) UPLB, “kapansin-pansin sa naturang liham na tanging mga kilos protesta at mobilisasyon lamang ang pinuna o nabanggit ng OVCCA-SSO.” Nanindigan din ang AUPAEU UPLB na ang naturang memo ay “malaking pagsagka sa kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagtitipon ng mga bumubuo ng Unibersidad” at “malinaw rin itong paglabag sa UPLB Safe Haven Resolution.”

Ayon sa University Student Council (USC), “tungkulin ng UPLB na itaguyod ang mga demokratikong karapatan ng mga constituent nito at magbilbi bilang bastyon ng kalayaan, at hindi pagsisimulan ng panunupil.”

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang pagkalampag ng mga estudyante ang administrasyon ng UPLB dahil sa mabagal na pag-usad ng Safe Haven Resolution. Layunin ng resolusyon na tiyakin ang seguridad ng pamantasan, kalayaang pang-akademiko, at karapatan sa malayang asosasyon ng mga constituent nito. (Ulat mula sa Kalayaan-Timog Katagalugan, pahayagan ng KM)

AB: Daan-daang estudyante at guro ng UPLB, nagkaisa sa panawagang “Duterte Panagutin, Marcos Singilin!” sa “First Day Rage”