Daan-daang pamilya lumikas sa pambobomba sa Maguindanao
Mahigit anim na daang pamilya sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao ang napilitang lumikas kasunod ng pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Mayo 23, 2022. Pinuntirya ng nasabing operasyon ang Barangay Ganta sa nasabing bayan. Ayon sa AFP, target diumano ng pambobomba ang isang “grupo ng terorista.”
Dahil sa pambobomba sa Datu Salibo ay muling nananawagan ang mamamayang Moro laban sa mga agresibong operasyong militar na direktang umaapekto sa kanilang mga pamayanan. Ikinadismaya rin nila ang nasabing aksyon ng AFP na naganap habang ginugunita nila ang anibersaryo ng pagkubkob ng Marawi City noong 2017.
Ayon sa mga residente ng Datu Salibo, nagulantang sila nang biglang umalingawngaw ang malalakas na mga pagsabog buhat sa dalawang FA-50 fighter jets at dalawang MG-520 attack helicopters bandang alas siyete ng umaga. Pinasabog din ang mga 105 Howitzer na nakapwesto sa isang kampo ng militar. Tinarget sa pambobomba ang latiang (marshland) sakop ng Sitio Patawali, Barangay Ganta malapit lamang sa mga komunidad ng sibilyan.
Matapos ang pambobomba ay sinalakay ng mga pwersa ng 6th IB-PA ang lugar. Ayon sa militar, ang grupong kanilang tinutugis ay pinangunguluhan ni Esmael Abdulmalik alyas Abu Torayfe na may kaugnayan umano sa Islamic State, na diumano’y bagong emir ng DI sa Mindanao. Matatandaan na noong 2017 ay iniulat na ng AFP at PNP na namatay si Abu Torayfe sa pinagsamang operasyon ng pulis at militar.