Balita

Daan-daang Pilipino, lumahok sa martsa para sa makatarungang kapayapaan sa Palestine

, ,

Muling nagmartsa ang daan-daang mga Pilipino sa Luneta Park sa Maynila noong Nobyembre 25 ng hapon para igiit ang makatarungang kapayapaan sa Palestine at kagyat na pagpapatigil sa kampanyang henosidyo at pambobomba ng Zionistang Israel sa Gaza.

Bahagi ito ng serye ng mga aktibidad at protestang inilunsad ng mga Pilipino at progresibong organisasyon mula pa noong Oktubre 7, kung kailan ibayong pinatindi ng Israel ang pag-atake sa Gaza. Bahagi din ito ng daan-daan mga protestang nilalahukan ng milyun-milyong mamamayan sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ayon sa mga nagmartsa, suportado nila ang panawagan para sa isang pangmatagalang tigil-putukan at pagwawakas sa pagkubkob sa Gaza. Ito umano ang makapagbibigay-daan sa higit na kinakailangang makataong ayuda at serbisyo sa Gaza at mga residente nito. Kamakailan, nagkasundo ang grupong Hamas at ang Zionistang estado ng Israel ng apat na araw na tigil-putukan simula Nobyembre 23 hanggang Nobyembre 27.

“Isang karangalan na makipagkapit-bisig sa mga kapatid nating Muslim. Hindi sapat ang apat na araw na tigil-putukan. Patuloy tayong lalaban para sa Palestine at laban sa imperyalismo at Zionismo,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isa sa mga nanguna sa martsa.

Samantala, binatikos ng Bayan ang ginawang panghaharang ng Philippine National Police (PNP) sa mga nagmamartsa na dadaan sana sa harapan ng US Embassy bago tumungo sa CCP Complex sa Pasay City kung saan tinapos ang programa. “Hinarang tayo ng PNP dahil pinoprotektahan nila ang US embassy sa Manila. Mas mahalaga pa sa kanila yung interes ng US kaysa karapatan ng mga Pilipino,” pahayag ng Bayan.

Giit ng mga nagmartsa, ipinamalas ng kanilang sama-samang pagkilos ang pakikiisa ng mga Pilipino sa milyun-milyong tinig sa buong mundo na naggigiit ng permanenteng tigil-putukan at pagwawakas sa henosidyo. Nananawagan din ang grupo sa lahat ng mga sangkot na seryosong tugunan ang lehitimong hinaing ng mamamayang Palestino laban sa hindi makatarungang kolonisasyon at okupasyon sa kanilang lupa, ayon pa sa nagkakaisang pahayag ng mga nagmartsa.

Kabilang sa mga organisasyon, sektor at personahe na nagmartsa ang Philippine-Palestine Friendship Association, Moro Consensus Group, Filipino-Palestinian Community, One Billion Rising, Ecumenical Bishops Forum, mga akademiko at ang kinatawan ng unang distrito ng Lanao del Sur na si Hon. Zia Alonto-Adiong.

AB: Daan-daang Pilipino, lumahok sa martsa para sa makatarungang kapayapaan sa Palestine