Daan sa usapang pangkapayapaan, puno ng tinik at tilos
Kinilala at ikinalugod ng Partido Komunista ng Pilipias ang pagpirma ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga upisyal na sugo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23. Kasabay nito, kinilala nito na puno ng tinik at tilos ang landas sa pagbubukas pa lamang ng usapan, at laluna tungo sa pagkamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan.
“Ang Partido at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay nagpapaabot ng todong suporta sa Negotiating Panel ng NDFP na pinamumunuan ni Juliet de Lima, at kapita-pitagang mga kasapi nito na sina Louie Jalandoni, Coni Ledesma at Asterio Palima, at ipinahahayag namin ang buong tiwala sa kanilang pagkatawan sa malapad na demokratikong interes ng mamamayang Pilipino,” pahayag ni Ka Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido.
Aniya, ang Oslo Joint Statement ay “unang kalahating hakbang pa lamang” sa pagpapanumbalik ng pormal na negosasyong pangkapayapaan, at sa higit na mahabang daan sa pagkakamit ng hangarin ng mamamayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Ito ay dahil sa iniwang mga “tinik at tilos” ng dating presidente ng GRP na si Rodrigo Duterte na makaisang panig na nagwakas sa usapang pangkapayaan noong 2017.
“Sa kanyang maling akala na madudurog ang armadong rebolusyon gamit lamang ang armadong lakas, pinakawalan ni Duterte ang kanyang gera ng terorismo ng estado na kinatampukan ng mga pagdukot, tortyur, pagpatay at mga masaker,” ayon kay Valbuena. Bigo si Duterte, at ang patunay nito ay ang muling paghaharap ng GRP sa NDFP sa negosasyong pangkapayapaan.
“Mayroong usapang pangkapayapaan dahil mayroong gera,” paglilinaw ni Valbuena. “Ang NDFP at GRP ay kumakatawan sa dalawang panig (co-belligerent) ng digmang sibil sa Pilipinas. Sila ay magkalaban at kumakatawan sa lubos na magkatunggaling interes at layunin, ngunit nagtagpo sa negosasyon sa ilalim ng deklaradong layunin na pagkakamit sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”
Na kay Ferdinand Marcos Jr ang natatanging inisyatiba na hawanin ang landas para sa pagbubukas ng negosasyon. Kabilang sa mga ito ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pagbawi sa designasyong terorista sa NDFP at kay Ka Luis Jalandoni, gayundin sa PKP, BHB at iba pa. Nariyan din ang pagpapawalambisa sa Executive Order 70 at pagbubuwag sa iniluwal nitong NTF-Elcac, pagpapawalambisa sa Memorandum No. 32, pagtigil sa mga “lokalisadong usapang pangkapayapaan” na walang iba kundi ang pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan, at pag-atras ng militar sa okupado nitong mga baryo sa ngalan ng RCSP.
“Dapat balikan ang lahat ng mga paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagpaslang at pagkukulong sa mga konsultant sa kapayapaan ng NDFP,” dagdad ni Valbuena.
Aniya, ang pagpirma sa Oslo Joint Statement ay dumatal sa panahon ng tumitinding krisis sa ekonomya at pulitika. “Ang sumisidhing mga kundisyong kinahaharap ng mamamayang Pilipino ay nagtutulak sa kanilang maglunsad ng mga pakikibakang masa para isulong ang kanilang kagyat na mga kahingian para sa makabuluhang dagdag-sahod, pagpapababa ng presyo, pagpapababa o pagtanggal ng upa sa lupa, pagpapababa sa gastos sa sangkap sa agrikultura, at iba pa.”