Dagdag-sahod, naigiit ng mga manggagawang bukid sa anti-pyudal na pakikibaka sa Negros
Napataas ng mga manggagawang bukid sa tubuhan sa Barangay Kahil* sa timog na bahagi ng Negros ang arawang sahod matapos sama-samang harapin ang dalawang panginoong maylupa noong Hunyo. Sa ulat ng Ang Paghimakas, pahayagan ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros, naitaas ang sahod mula ₱200-₱220 tungong ₱250, habang ang pag-aararo mula ₱700 tungong ₱1,300 sa dalawang pasada kada ektarya.
Nakapebenisyo dito ang may 19 sambahayan o 44 na mga manggagawang bukid mula sa limang sityo na saklaw ng naturang erya.
Labis ang kasihayan ni Tatay Astong sa pagtaas ng kanilang sweldo dahil malaking tulong ito sa kanilang araw-araw na pangangailangan sa harap ng napakataas na presyo ng mga bilihin. “Kung hindi kami naglakas ng loob na maggiit, siguro wala kaming nakamtang tagumpay,” pahayag niya sa panayam ng Ang Paghimakas.
Pagdidiin naman ni Nanay Isyang, “grabe ang hirap ng kalagayan ng aming pamumuhay, hindi na makaagapay ang aming sweldo sa tubuhan.” Buti na lamang umano at tinulungan sila ng mga kasama para mag-organisa at kumilos na dahilan ng kanilang pagkapanalo para sa kanilang kahingian.
Ayon sa Ang Paghimakas, ang anti-pyudal na pakikibaka sa Barangay Kahil ay ikalawa na sa organisadong paglaban ng masang magsasaka sa panahon ng tiempo muerto o “patay na panahon” na tumutukoy sa mga buwan sa pagitan ng siklo ng pagtatanim ng tubo. Isinagawa ang unang bugso noong Mayo.
Sa gabay ng Partido, naitayo ng mga magbubukid ang kanilang rebolusyonaryong organisasyong masa sa nasabing mga erya. Muli nilang nakita ang kanilang makapangyarihang lakas na masasalalayan nila para ipagtagumpay ang kanilang lehitimong mga kahingian sa kaaway sa uri sa gitna ng higit na pinatinding mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines.
Tuluy-tuloy ang pakikibaka ng mga magbubukid para makamtan ang iba pa nilang makatarungang mga kahingian at nakabubuhay na antas ng sahod. Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, kinakailangan ng ₱1,021 arawang sahod para mabuhay ang lima-kataong pamilya sa Region VI kung saan kabilang ang Negros Occidental, habang ₱1,288 araw-araw para sa Negros Oriental at buong Region VII.
___
*hindi tunay na pangalan