Taas-sahod at sweldo, muling ipinanawagan bago magsara ang ika-19 na Kongreso
Sumugod ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU), National Wage Coalition, All Workers Unity at iba’t ibang grupo sa Kongreso kahapon, Hunyo 2, para muling ipanawagan ang agarang pagsasabatas ng dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa pambansang saklaw. Itinaon nila ang kanilang pagkikilos sa pagbubukas ng huling sesyon ng ika-19 Kongreso, at bago ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso sa Hulyo.
“Nasa manggagawa ang lahat ng dahilan para lumaban… dahil tayo ang lumilikha ng yaman at nagpapaunlad ng lipunan,” pahayag Jerome Adonis, upisyal ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at dating kandidato pagkasenador sa nagdaang eleksyon. “Makatwiran at makatarungan ang panimulang ₱200 na dagdag-sahod, na siyang unang hakbang patungo sa nakabubuhay na sahod na ₱1,200 sa hinaharap.”
Tinawag nilang “long overdue” ang pagsasabatas ng mga panukalang taas-sahod na ₱200/araw na matagal nang nakatengga sa Kongreso at Senado. Anila, kahit pa napakalayo pa rin sa ₱1200 na living wage ang maidadagdag na ₱200, dapat na itong kagyat na maaprubahan at pirmahan ng gubyerno.
Nakipagkaisa sa panawagan si Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party na nagbigay ng talumpati sa loob ng Kamara para dalhin ang panawagan ng mga manggagawa sa loob ng Kamara. Kasama niyang lumahok sa pagkilos sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party at Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Party.
Nasa pagkilos rin ang mga kawani ng mga pribadong sektor at ng gubyerno na nanawagan para sa ₱33,000 buwanang minimum salary para sa Salary Grade 1; P36,000 entry-level salary para sa mga BPO worker; at P50,000 entry-level salary para sa mga guro, nars, at mga propesyonal sa sektor ng kalusugan.