Dagdag-sahod sa SOCCSKSARGEN, CL at Cagayan Valley, kulang pa sa pamasahe
Minaliit ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kamakailang ibinalitang dagdag sahod ng tatlong rehiyon para sa 2025. “Napakalaking insulto,” anito, ang ₱14 na ibinigay ng regional wage board sa SOCCSKSARGEN, ₱25-₱41 sa Central Luzon, at ₱30 sa Cagayan Valley. “Hindi pa (ito) sasapat sa pamasahe ng manggagawa papunta at pauwi sa trabaho,” ayon sa sentro ng panggawa.
“Ang bagong minimum wage sa Cagayan Valley ay ₱480 habang ang family living wage (FLW) ay ₱1,108; sa Central Luzon, ang bagong minimum wage ay ₱525-541 habang ang family living wage ay ₱1,172; samantala, sa SOCCSKSARGEN, ₱417 ang bagong minimum wage habang ₱1,193 ang FLW,” paliwanag ng KMU. Sa gayon, nananatiling halos kalahati lamang ang minimum wage ng FLW sa mga rehiyong ito.
“Wala talagang silbi ang regional wage board,” ayon sa grupo. “Dahil sa ilang dekada ng watak-watak, makupad, at barya-baryang pagtataas ng sahod, tuluyan nang hindi nakahabol ang totoong halaga ng sahod ng mga manggagawa sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin.”
Panawagan ng KMU na buwagin ang mga regional wage board at ipatupad ang isang pambansang minimum wage. Iginigiit nito na itaas ang sahod sa ₱1,200 para makaagapay ang mga manggagawang Pilipino sa bilis ng implasyon.
“Nasa kamay nating manggagawa ang paglaban upang makamtan ang dagdag sahod. Kamtin natin ito sa lahat ng maaaring pamamaraan tungo sa sahod na nakabubuhay para sa lahat ng manggagawa,” panawagan ng KMU.