Balita

Davao City, nalubog sa baha; anomalya sa mga proyektong flood control, muling tumampok

Daan-daang residente mula sa mababa at malapit sa mga ilog na mga komunidad sa Davao City ang kamakailang napilitang magbakwit dahil sa matinding flash flood nitong Mayo. Hindi bagyo ang naging sanhi nito, kundi ang tuluy-tuloy lamang na pag-ulan mula gabi ng Mayo 18 hanggang umaga ng Mayo 19.

Hindi bababa sa 11 barangay ang nalubog sa baha dulot ng pag-apaw ng mga Ilog Davao, Matina, at Bunawan. Isang 21-anyos na lalaki ang napabalitang namatay nang makuryente matapos matangay ng rumaragasang tubig sa New San Isidro, Barangay Buhangin. Dahil sa laki ng tubig, nawasak din ang Callawa Bridge na nagdulot ng malalang problema sa transportasyon.

Isinisisi ang pagbaha sa palpak na flood control, maling pagpaplano ng syudad at sa kahinaan ng sistemang drainage. Dagdag pa rito ang siltation ng mga ilog at ang pangkalahatang pagkakalbo ng kagubatan sa mga watershed na nagdulot ng flash flood.

Sa araw na nalubog sa baha ang syudad, nagsumite ng pormal na reklamo si Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list sa Office of the Ombudsman para imbestigahan ang mga proyektong flood control dito.

Pinasasaklaw sa imbestigasyon ang 80 kontratang flood control sa pagitan ng 2019 at 2022 sa unang distrito ng Davao City na nagkakahalaga ng ₱4.35 bilyon. Hawak ni Rep. Paolo Duterte ang unang distrito bilang kongresista. Samantala, pinamamahalaan ng kapatid niyang si Sebastian ang buong lungsod bilang meyor nito.

Naglabas na ng mga subpoena ang Ombudsman para sa mga dokumento ng mga proyekto sa mga Ilog ng Davao at Matina. Sinegundahan na rin ito ng isang memorandum mula sa Department of Public Works and Highways.

AB: Davao City, nalubog sa baha; anomalya sa mga proyektong flood control, muling tumampok