TRO laban sa mga nagbabarikada kontra mina sa Benguet, kinundena
Mariing kinundena ng grupong No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao (NM-MGB) ang inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 noong Hulyo 10, laban sa mga residente ng Mankayan. Kaugnay ito sa pagtatayo nila ng barikada para pigilan ang pagpasok ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC) sa kanilang komunidad. Ayon sa grupo, malinaw na ang kaso ay direktang atake sa mga residente na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno.
Inuutusan ng korte sina Satur Lostbayan S. Anton, kapitan ng barangay ng Bulalacao at si Marlo Pablo, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at iba pang mga residente na itigil ang pagpi-piket, pagsasara ng mga daan, o anumang hakbang na hahadlang sa pagpasok ng drilling equipment ng kumpanya sa mga nakaplanong drill site. Ipinagbabawal din sa kanila na pigilan, hadlangan, o pakialaman ang pagpasok ng mga upisyal, empleyado, at kinatawan ng CMDC, gayundin ang pagpapatuloy ng mga gawain sa exploration drilling sa lugar ng proyekto. May nosa ang TRO na 72 oras mula sa pagtanggap ng kautusan. Nakatakda ang pagdinig sa Hulyo 13 upang dinggin ang mga argumento ng magkabilang panig.
Sa mismong araw ng paglabas ng korte ng kautusan, agad na dumating sa barangay ang mga makinarya para sa eksplorasyon ng kumpanya. Sa kabila ng TRO, hindi nagpatinag ang mga residente at nanatili sila sa barikada. Ihinarang ng ibang residente sa daan ang kanilang mga sasakyan na ginagamit sa pagdeliber ng mga gulay para pigilan ang pagpasok ng kumpanya.
“Kami, ang mamamayan, ay hindi kailanman aalis o susuko. Kasama ang ating mga kapwa sa Guinaoang at Bulalacao, matatag naming lalabanan ang pagpasok ng mga makinang sisira sa lupa, pinagkukunan ng tubig, at kabuhayan. Gagamitin namin ang aming pinakamataas na paraan… ang mapayapang barikadang ito, upang iligtas ang aming ‘ili’. Para sa amin, ang tunay at pinakamataas na batas na hindi kayang baligtarin ng anumang legal na instrumento ay ang pangangalaga sa buhay, lupa, at kinabukasan ng aming mga anak,” pahayag ng NM-MGB.
Ayon sa grupo, kwestyunable ang bisa ng pag-renew sa Mineral Production Sharing Agreement ng CMDC noong Marso 2022, mahigit isang taon bago naglabas ang National Commission on Indigenous Peoples ng Certification Precondition noong Setyembre 2025. Ayon sa Section 59 ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), walang permit, lisensya, o konsesyon na maaaring ilabas o i-renew nang walang naunang certification.
Kinukuwestyon din ng grupo ang proseso ng pagpayag, habang ang mga barangay na direktang apektado ng proyekto ay tumanggi rito noong proseso ng FPIC kung saan “hindi makatarungang natalo sila sa boto ng mga residente sa paligid na hindi masyadong apektado ng pagmimina.”
Dagdag dito, pinilit ang lokal na pamahalaan ng Mankayan na bawiin ang municipal cease-and-desist order laban sa kumpanya kahit may umiiral na local na ordinansang nagtatakda ng gamit sa mga lupang agrikultural.
Ani ng grupo, kung pahihintulutang magpatuloy ang kumpanya, masisira ang mga lupang agrikultural na bumubuo sa 60% ng komunidad. Dahill dito, masasakripisyo ang lokal na seguridad sa pagkain at kabuhayan para sa isang industriyang nag-aambag lamang ng 1% sa pambansang empleyo.
Nananawagan ang No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao sa lahat ng tagapagtanggol ng kalikasan, mga organisasyong sibiko, at sa publiko na makiisa sa mamamayan ng Mankayan, sa pagtatanggol sa lupang ninuno, kabuhayan, at mga pamilya laban sa kasakiman ng Crescent Mining and Development Corporation .