Delubyong dala ng harabas sa mga sakahan sa Negros Occidental, giit na kaagad tugunan

,

Halos 300 ektarya ng mga sakahan at plantasyon ang pineste ng armyworms (harabas), o “tagustos” sa lokal na katawagan, sa 17 mga barangay sa pitong bayan at syudad ng Negros Occidental. Sa harap nito, iginiit ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Negros Island, rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, ang pagbibigay ng kagyat at sapat na tugon ng rehimeng Marcos at mga ahensya nito sa mga pinesteng sakahan ng maralitang magsasaka.

Apektado ng peste ang mga sakahan sa Himamaylan City, Kabankalan City, Isabela, Moises Padilla, La Castellana, Binalbagan, at Ilog. Ayon sa grupo, hindi pa nagtatagal mula nang malugi ang mga magbubukid sa isla dahil sa tagtuyot noong panahon ng El Niño ay kumakaharap na naman sila sa panibagong peste. Ang ilan pa sa mga bayang ito ay naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon kamakailan.

Dagdag pa ng PKM-Negros, pinalubha ang epekto ng mga kalamidad na ito ng kainutilan ng rehimeng Marcos at lokal na gubyerno sa pagtugon sa mga ito. Sa ngayon, limos na ₱3 milyong lamang na pondo para sa pestisidyo kontra sa harabas ang ibinigay ng lokal na gubyerno ng Negros Occidental sa mga magbubukid.

“Kung hindi kaagad mabigyan nang kaukulang pansin, mapigil at malunasan ang pagdami ng armyworms, tinatayang mabilis itong lalaganap sa ibang sakahan sa karatig na mga bayan at syudad ng Negros Occidental,” ayon pa sa PKM-Negros. Ayon mismo sa mga eksperto, kayang ubusin ng armyworms ang isang ektaryang maisan sa isang magdamag.

Ayon sa grupo, nangangamba ang mga magbubukid laluna ang maliliit na plantador ng tubo dahil naghahabol sila ng pagtatanim pagkatapos ng tagtuyot. Nais sana nilang mabawi ang nalugi nila sa nagdaang mga buwan at kumita sa huling milling season.

“Kahit na mangutang sila o magdagdag ulit ng gastos sa pagtanim, gagawin nila ito sa pag-asa na mabawi ang gastos at makaahon, sa pagbukas ng milling season. Ngunit ang pag-asang ito ng mga maliit na magsasaka kaagad na nahalinhinan ng takot at pangamba sa pag-atake ng peste na armyworms,” pahayag ng PKM-Negros.

AB: Delubyong dala ng harabas sa mga sakahan sa Negros Occidental, giit na kaagad tugunan