Balita

Demolisyon sa komunidad ng mangingisda sa Bataan, kinundena ng lider-mangingisda

,

Nagpahayag ng pakikiisa ang lider-mangingisda mula sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya) na si Ronnel Arambulo laban sa demolisyon sa komunidad ng mga mangingisda sa Sityo Kabilang Ilog, Orion, Bataan noong Setyembre 25. Ito na ang ikatlong pagkakataong ipinatupad ng lokal na gubyerno ng Orion ang pagpapalayas sa mga residente.

Hindi bababa sa 26 na pamilya ng mga mangingisda ang pinalalayas sa Sityo Kabilang Ilog simula pa noong Agosto 12. Ang komunidad, na nakaharap sa Manila Bay, ay bumabangon pa lamang mula sa epekto ng oil spill at magkakasunod na bagyo at pag-ulan dulot ng habagat.

“Wala na ngang maayos na tugon para sa mga mangingisda, napakasahol pa ay ganito pa ang tugon mismo ng Punong Bayan ng Orion na si Mayor Antonio Raymundo at kasabwat ang mga pasistang kapulisan para agawan ng kabuhayan at tahanan ang mga mangingisda,” ayon kay Arambulo. Hindi na bago kay Arambulo ang mga isyung ito bilang matagal na ring mangingisda sa Laguna de Bay.

Isinagawa ang naturang demolisyon sa tabing ng pagpapatupad ng lokal na gubyerno sa Supreme Court Mandamus hinggil sa paglilinis sa Manila Bay. Hindi naniniwala ang mga residente sa rason na ito dahil alam nilang pinalalayas sila para sa balak na negosyong itayo sa lugar.

Binatikos ng lider-mangingisda ang paggamit ng lokal na gubyerno sa naturang atas. Aniya, nasa kaibuturan dapat ng paglilinis sa Manila Bay ang rehabilitasyon sa mga pangisdaan para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at hindi ng iilan at negosyo. “Hindi basura ang mga bahay at lalo ang mga mangingisda para linisin sila at paalisin,” dagdag ng lider-mangingisda.

Noong 2023, nagpadala ang Erigon Marketing and Development Corp ng sulat sa mga residente ng Sityo Kabilang Ilog na nagpapalayas sa kanilang paninirahan upang bigyang daan ang negosyo nito sa komunidad. Sinimulan ang pagpapalayas at demolisyon sa komunidad noong Hulyo 7, 2023. May mga residenteng napwersang pumayag at umalis na lamang habang ang iba ay nanindigan para sa karapatan sa paninirahan.

Ayon sa mga residente, malinaw sa kanila na palabas lamang ang “paglilinis sa Manila Bay” para palayasin sila laluna at patuloy namang nag-oopereyt ang mga korporasyon sa baybay-dagat ng Bataan. Kabi-kabila pa rin ang ulat ng reklamasyon, pagkukwari at pagtatapon ng marumi at kontaminadong tubig sa karagatan.

Suportado ni Arambulo ang paninindigang ito ng mga residente. Aniya, “nagdudumilat ang katotohanan na ang pinakamasahol na pagwasak sa pangisdaan ay nagaganap sa pamamagitan ng patuloy na reklamasyon, quarrying sa mga baybayin ng Bataan.”

Sa harap umano ng demolisyon at atake sa kabuhayan ng mga mangingisda, walang ibang sagot dito kundi ang mahigpit na pagkakaisa at pagsandig sa kapwa nila api at pinagsasamantalahan.

Kabilang ang mga isyung ito sa itatampok ni Arambulo bilang kandidato pakasenador ng Koalisyong Makabayan sa eleksyong 2025. Dadalhin niya rin ang pagtutol sa reklamasyon, kampanya laban sa panggigipit ng China at para sa paggigiit ng karapatan ng mamamalakaya sa tradisyunal at teritoryal na mga pangisdaan, at iba pang isyu ng mangingisda sa entablado ng halalan.

AB: Demolisyon sa komunidad ng mangingisda sa Bataan, kinundena ng lider-mangingisda