Donasyon ng US na tower pangkomunikasyon sa Zambales, ikinabahala ng mga mangingisda

, ,

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa donasyon ng US na tower pangkomunikasyon para sa istasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Zambales. Isinagawa ang programa para sa pormal na pagtanggap ng donasyon sa bayan ng Botolan kung saan ipatatayo ang bagong pasilidad noong nakaraang linggo.

Ayon kay Bobby Roldan, ikalawang tagapangulo para sa Luzon ng Pamalakaya, ang donasyon ng US na tower para sa pagmamasid ay posibleng “paunang hakbang para sa isang bagong baseng nabal ng US, katulad ng dating Subic Naval Base.” Idiniin ni Roldan na dapat hindi magpagamit ang Pilipinas sa US at panatilihin ang independensya at tuligsain ang kahit anong dayuhang pagtatangka na magtayo ng mga base militar dito. Nagtayo ang US ng katulad na mga pasilidad sa Ilocos Norte at Palawan para sa pagmamanman nito sa mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Ipatatayo ang 30.5-metrong tower sa 225 metro kwadradong lupain sa Mount Calib-ungan sa Barangay Porac. Binili ng lokal na pamahalaan ng Botolan ang parsela ng lupa at ibinigay sa PCG bilang donasyon. Popondohan ng pamprubinsyang pamahalaan ng Zambales ang pagtatayo ng baraks ng PCG sa naturang lugar.

Sinasabing estratehiko ang lokasyon na ito sa pagbibigay ng malawak na radio coverage para sa mga operasyon ng PCG. Gagamitin umano ito para sa mga operasyon ng pagpapatrulya sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal), isang tradisyunal na pangisdaan ng maliliit na mangingisdang Pilipino, Chinese at Vietnamese.

“Ang pagpapalakas ng ugnayang militar sa US ay lalong magpapahirap sa mga mangingisdang Pilipino na mapayapang makabalik [at makapangisda] sa sinasakop ng China na Scarborough Shoal,” pahayag ni Roldan. Binatikos niya rin ang iba pang war games na inilulunsad ng US at Pilipinas sa West Philippine Sea, kasama ang mga alyado nitong bansa.

Idiniin ni Roldan at ng koordineytor ng Pamalakaya-Zambales na si Joey Marabe na dapat itulak ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea para sa kagalingan at kapakinabangan ng mga mangingisdang Pilipino. “Hahawanin nito ang landas para sa mapayapang resolusyon at dayalogo, hindi dagdag na mga dayuhang tropa na magpapatindi lamang ng tensyon,” ayon kay Marabe.

Dumalo sa programa ng donasyon ng tower sa Botola ang mga kinatawan mula US Embassy Civil Military Support unit, mga upisyal ng PCG at mga upisyal ng lokal na gubyerno.

AB: Donasyon ng US na tower pangkomunikasyon sa Zambales, ikinabahala ng mga mangingisda