DUMO Mining sa Bukidnon, kinundena
Kinundena ng mga residente ng Malitbog, Bukidnon ang operasyon ng DUMO Mining. Nagsimula ang operasyon ng kumpanyang noong Pebrero saklaw ang 30-40 ektaryang lupa sa mga sityo ng Impahanong at Bayawa, pareho sa Barangay San Luis, at Barangay Hagpa sa Malitbog; at sa kanugnog nitong Barangay Hagpa, Impasug-ong.
Ayon sa Ang Kalihukan, pahayagan ng rebolusyonaryong mamamayan sa North Central Mindanao, ginawaran ng permit ang kumpanya ng pambansang upisina ng Department of Environment and Natural Resources, pero wala itong pahintulot mula sa lokal na gubyerno ng Malitbog. Noong Marso, bumwelo na ang operasyon ng paghuhukay para sa pagmina ng hilaw na ginto. Nasa lugar ang tatlong backhoe, isang dump truck, at iba pang kagamitan sa pagmimina. Binabantayan ito ng mga elemento ng 58th IB at ilang “sumuko” na mga rebelde.
Pangunahing reklamo ng mga residente ang pagkapapalayas sa kanila mula sa kanilang mga komunidad at kabuhayan. Nagreklamo rin ang mga trabahador dito dahil sa barat at walang maayos na sistema na pasahod.