Elon Musk, pinakayamang parasitiko sa mundo
Simula Setyembre ngayong taon, tuluyan nang inungusan ni Elon Musk, may-ari ng kumpanyang Tesla, si Jeff Bezos, may-ari ng Amazon, bilang pinakamayamang indibidwal sa mundo. Noong Oktubre 25, tumaas ang kanyang halaga nang $25.6 bilyon sa loob lamang ng isang araw matapos ibalita ang plano ng kumpanyang Hertz na bumili ng 100,000 sasakyang gawang Tesla sa katapusan ng 2022. Sa araw ding iyon, lumampas sa $1 trilyon ang halaga ng Tesla sa stock market sa kauna-unahang pagkakataon. Tumaas nang 12.7% ang halaga ng mga sapi ng kumpanya — mula $971 sa umaga tungong $1,024.68 kada isa pagsapit ng alas-4 ng hapon.
Sa ganitong “paglikha ng yaman” lumaki ang halaga ni Musk at iba pang mga bilyunaryong parasitiko sa panahon ng pandemya. Bago nito, tuluy-tuloy ang pagkamal niya ng yaman sa pamamagitan ng pagkopo ng mga pampublikong kontrata at subsidyo para palaguin ang kanyang mga pribadong negosyo, todo-todong pagsasamantala sa mga manggagawa para pigain ang pinakamalaking tubo, pandarambong sa kalikasan (sa ngalan ng “pagsasalba” sa planeta) at di pagbabayad ng buwis.
Itinayo ni Musk ang mga kumpanyang Tesla (gumagawa ng sasakyang tumatakbo sa kuryente), at Solar City (gumagawa ng solar panel), gamit ang mga kontrata, subsidyo, tax break at iba pang insentiba na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar na ibinigay sa kanya ng gubyerno ng US alinsunod sa programa nitong pagpapaunlad ng “renewable energy.” Bahagi ito ng pagsamantala ng dambuhalang mga kapitalista sa panawagan bawasan, kundiman itigil, ang ang paggamit ng langis at karbon para labanan ang climate change.
Kabilang sa naitayo ni Musk gamit ang pampublikong pondo ang pabrika ng solar panel sa New York na pinondohan ng $750 milyon ng lokal na estado at ang pabrika ng baterya sa Nevada na binigyan ng lokal na estado ng mga insentibang nagkakahalaga ng $1.3 bilyon. Marami rin siyang natatanggap na mga “diskwento” sa utang dulot ng “pangangalaga” ng kanyang mga kumpanya sa kapaligiran. Sa taya ng isang pananaliksik, umaabot ang lahat ng ito ng hanggang $4.5 bilyon.
Liban sa dalawang kumpanya, pagmamay-ari ni Musk ang Space X, isang kumpanyang kumopo ng mga kontrata mula sa NASA (National Aeronautics and Space Administration) at Department of Defense ng US sa nakaraang dalawang dekada. Mula 2006 hanggang 2016 lamang, nasa minimum na $7.24 bilyong mga kontrata para sa mga misyong pangkalawakan ang ibinuhos ng NASA sa SpaceX.
Nitong taon lamang, iginawad ng NASA ang $2.9 bilyong kontrata para sa paggawa ng space ship na gagamitin para muling makapunta ang tao sa buwan. (Walang patid ang operasyon ng mga pagawaan ng SpaceX dahil idineklara ng noo’y presidente ng US na si Donald Trump bilang “esensyal” sa ilalim ng pandemya ang paglalakbay sa kalawakan.)
Mula sa kita ng SpaceX sa mga pampublikong kontrata, nakagawa si Musk ng mga space ship para sa pribatisadong paglalakbay sa kalawakan. Nakikipagpaligsahan siya ngayon kay Bezos para ipadala sa kalawakan ang kapwa nilang mga bilyunaryo bilang mga turista. Naipadala rin ni Musk ang libu-libong mga satelayt sa kalawakan (Starlink) para sa pribatisadong satelayt na komunikasyon at internet.
Tulad ng ibang bilyunaryo, minimal, kung meron mang binabayarang buwis si Musk. Ayon sa isang imbestigasyon ng ProPublica noong 2020, nagbayad lamang si Musk ng $455 milyong buwis sa gitna ng pagsirit ng kanyang yaman tungong $13.9 bilyon mula 2014 hanggang 2018. Ang iniulat lamang niya na kita ay $1.52 bilyon. Ayon sa ProPublika, ang “true tax rate” ni Musk sa loob ng limang taon ay nasa 3.27% lamang. Malayo ito sa tantos na binabayaran na buwis ng ordinaryong manggagawang Amerikano na umaabot sa 22.4% noong 2020.
Ayon pa sa imbestigasyon, wala pang $70,000 ang binayarang buwis ni Musk sa pederal na gubyerno ng US, sa kabila ng halaga niyang $152 bilyon. Noong 2018, ni isang sentimo, wala siyang binayarang gayong buwis.
Sa ilalim ng pandemya, limang beses pang lumaki ang halaga ng Tesla. Sa panahong ito, kinaltasan ni Musk ng minimum na 10% ang sahod ng lahat ng manggagawa sa Tesla. Inoobliga niyang magtrabaho ang mga manggagawa sa mga pabrika nang walang sapat na paghahanda at mga hakbang pangkalusugan. Ang lahat ng mga sumuway ay pinayagan niyang manatili sa bahay (stay-at-home o shelter in place, alinsunod sa patakaran noong ng US) pero wala silang matatanggap na sahod or subsidyo.
Bago pa ang pandemya, mataas na ang tantos ng mga aksidente sa loob ng mga pabrika ng Tesla. Liban dito, kumakaharap ang Tesla ng mga kaso ng disktriminasyon laban sa mga Itim at sekswal na harasment sa kababaihan. Mas mababa ang sweldo ng mga manggagawa nito kumpara sa ibang gumagawa ng sasakyan. Ito rin ang tanging kumpanya sa industriya ng kotse na walang unyon. Aktibo si Musk sa pananakot at pambabanta sa mga manggagawa ng Tesla na nagsisikap magtayo ng kanilang unyon.
Liban kay Musk, siyam pang mga indibidwal ang napabilang sa maliit na grupo ng mga “super-yaman” ngayong taon (mga indibidwal na may halagang $100 bilyon pataas). Sa pangkalahatan, nadagdagan ng $402 bilyon o P20.1 trilyon (katumbas ng halos apat na taong pambansang badyet ng Pilipinas) ang pinagsamang yaman ni Musk at siyam pang pinakamayayamang indibidwal sa buong mundo ngayong 2021. Alinsunod ito sa Billionaire’s Index noong Disyembre 29 ng magasin sa pinansya na Bloomberg. Walo sa kanila ay nasa industriya ng teknolohiya, isa sa mga kalakal na pangkonsyumer at isang nakakatergoryang “diversified.” Lahat sila ay nakabase sa US.