"Entrance exam" sa mga pribadong kolehiyo, wala nang singil

Naitulak ng progresibong kabataan sa kongreso ang pagsasabatas ng Free College Entrance Exam Law (Republic Act 12006) na maglilibre sa singil sa mga entrance exam sa mga pribadong kolehiyo sa bansa. Naisabatas ito noong Hunyo 14.

Kabilang sa mga nanguna sa pagtutulak nito sa House of Representatives ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc na sina Kabataan Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Rep. France Castro. Naipasa sa ikatlong pagdinig ang panukala sa House of Representatives noong Setyembre 2022, samantalang napasa ang katambal na panukala sa Senado noong Disyembre 2023. Naging ganap na batas ito nitong Hunyo 14.

“Matagal nang pasakit sa mga estudyante ang pagbabayad ng entrance examinations fee…balakid ito sa pagpapatunay nila sa kanilang potensyal sa akademya at makapasok sa mga kolehiyo,” pahayag ni Rep. Manuel.

Ayon kay Rep. Manuel, habang ikinatuwa ng kabataan ang pagsasabatas nito, kinikilala ng kanilang partido ang kahinaan ng bersyon ng batas. “Sa halip na kabuuang libre ang college entrance examinations, may limang kondisyon pa rin para masabing kwalipikado sa fees exemption ang isang estudyante,” aniya. Sa aktwal, hindi lahat ng mga estudyante ay malilibre sa singil na ito.

Una, kinakailangang naka-gradweyt o ga-gradweyt na natural-born na Pilipino. Ikalawa, dapat bahagi ng 10% ng pinakamahuhusay sa klase. Ikatlo, dapat nagmula sa mahirap na pamilya alinsunod sa depinisyon ng gubyerno. Ikaapat, para lamang ito sa mga pribadong eskwelahan sa bansa. At ikalima, dapat makapagsumite ng lahat ng hinihinging papeles ng pribadong eskwelahan na papasukan.

Ang mga pribadong eskwelahan na lalabag sa pagbibigay ng libreng entrace exam ay maaaring patawan ng angkop na parusa ng Commission on Higher Education (CHED). Samantala, bubuuin pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas at nakatakdang konsultahin dito ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines at iba pang samahan ng mga pribadong eskwelahan.

Nanatili itong salamin ng komersyalisadong sistema ng edukasyon sa bansa, ayon kay Rep. Manuel. “Nananatili pa rin ang iba’t-ibang mahal na bayarin kahit hindi ka pa nakapapasok sa mismong paaralan kagaya nitong entrance examinations fee,” ayon pa sa kinatawan.

Hindi dapat dito matapos ang laban at pagkakaisa ng mga kabataang Pilipino, aniya. “Hinihikayat natin ang mga kabataan, estudyante, at kapwa mambabatas na mas isulong pa ang laban para sa isang makabayan, siyentipiko, at makamasang uri ng edukasyon,” pagtatapos niya.

AB: "Entrance exam" sa mga pribadong kolehiyo, wala nang singil