FFPS at mga alyadong grupo nito, naglunsad ng mga aktibidad ng pagsuporta sa NDFP
Iba’t ibang aktibidad ang inilunsad ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) at mga alyadong organisasyon nito sa 10 bansa sa buong mundo noong Abril 26 bilang pagsuporta sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at pakikibaka nito laban sa gera at agresyon ng imperyalismong US sa Pilipinas. Nagsagawa sila ng mga demonstrasyon, pagpapaskil ng poster, pamomolyeto at pagpipinta ng graffiti.
Hindi bababa sa 24 na alyadong organisasyon ng FFPS at mga anti-imperyalistang samahan ang lumahok sa mga aktibidad. Itinampok nila sa pagkilos ang pagkamakatarungan ng kilusang mapagpalaya ng NDFP bilang pansalag at panlaban sa gerang agresyon at pangwawasak nito sa Pilipinas at buong mundo.
“Sa patuloy na pagsulong at pagkokonsolida sa kapangyarihan ng NDFP at ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas, direkta nitong hinahamon ang imperyalistang dominasyon,” ayon kay Robert Reid, tagapangulo ng FFPS. Nangangahulugan umano na sa paglakas ng kilusang magpalaya ay humihina ang tangan ng imperyalismong US sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, humaharap ang sambayanang Pilipino sa gerang suportado at dinidirehe ng US sa pamamagitan ng papet na rehimeng Marcos. Sa harap nito, “ang rebolusyong Pilipino ang pagpapahayag ng kagustuhan ng mamamayang Pilipino na makalaya mula dayuhang dominasyon,” ayon kay Reid.
Lantad na halimbawa ng pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa US ang kasalukuyang inilulunsad na Balikatan war games na nagsimula noong Abril 21 at magtatapos sa Mayo 9. Lumalahok dito ang libu-libong tropang Amerikano na yumuyurak sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Kinaladkad ng US ang mga alyadong bansa nito tulad ng Japan, Australia, United Kindom at iba pa para sa war games.
Binatikos naman ni Finch Foley ng People Organizing for Philippine Solidarity-FFPS sa US ang pagbebenta ng gubyernong Trump ng $5.58 bilyong armas sa Pilipinas. “Tinitiyak nito ang kanilang kapit sa Pilipinas at paghahanda na kaladkarin ang bansa sa gerang inuupatan ng US kontra China,” ayon kay Foley.
Sa harap ng tila higanteng kaaway, pinatunayan umano ng mamamayang Pilipino na walang halaga ng pera at dayuhang interbensyon ang makawawasak sa kilusang masa na nakikibaka para sa makatarungan at matalagang kapayapaan. “Nararapat na makatanggap ng todong suporta natin ang kanilang pakikibaka,” pahayag pa niya.
Sa ganitong diwa umano ay nagsisilbi bilang “aktibong bahagi ng pandaigdigang anti-imperyalistang paglaban” ang pakikibaka ng mga Pilipino.
Ang araw ng pagkilos ng FFPS ay bahagi rin ng kanilang pagtutol sa darating na pagpupulong ng US-North Atlantic Treaty Organization sa Hunyo sa The Netherlands. Ginagamit ng US ang NATO laban sa katunggali nitong imperyalistang China sa rehiyong Asia-Pacific.
Ang FFPS ay isang pandaigdigang organisasyong sumusuporta sa NDFP, na kinikilala ng grupo bilang tunay na kinatawan ng mamamayang Pilipino. Suportado rin ng grupo ang 12-puntong programa ng NDFP para sa isang progresibo at maunlad na Pilipinas. Ipinagdiwang ng NDFP ang ika-52 na anibersaryo nito noong Abril 24.