Food insecurity sa Pilipinas, lumalala
Lumalala ang food insecurity o kakulangan sa pagkain sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa huling pag-aaral na inilabas ng United Nations (UN) Food and Agriculture Organization (FAO), umaabot sa 44.1% ang tantos ng food insecurity sa bansa, pangatlong pinakamalala sa Southeast Asia (SEA). Nangangahulugan ito na dumaranas ng malala at katamtamang food insecurity ang nasa 51 milyong Pilipino. Sa SEA, pinakamalala ang gutom sa East Timor (53.7%), kasunod ang Cambodia (50.4%).
Tuluy-tuloy ang pagtaas ng insidente ng food insecurity sa Pilipinas. Mula 2020 lamang, tumaas ang tinaguriang “masidhi at katamtamang” food insecurity mula 34.6% tungong 40.3% noong nakaraang taon. Samantala, tumaas ang “masidhing” food insecurity mula 6.4% tungong 8.2% sa panahon ding iyon. Saklaw ng katamtamang food insecurity ang populasyong hindi nakabibili ng masustansyang pagkain, habang ang masidhing food insecurity ay hindi nakabibili kahit ng batayang pagkain.
Ang malaking bilang ng mga Pilipinong hirap sa pagkain ay dulot ng kumbinasyon ng mga problema na hindi nareresolba ng rehimeng Marcos, ayon sa Ibon Foundation. Maraming Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap. Walang impok ang 71% o 19.2 milyong pamilyang Pilipino, ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Walang regular na trabaho at napagkakakitaan ang 42% o 20.8 milyong manggagawang Pilipino.
“Kailangan ng mga patakaran sa agrikultura na magpapalawak sa produksyon na sumusuporta sa mahihirap na magsasaka para itulak ang sustenableng agrikultura, at kasabay nito, maipagtanggol sila laban sa pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa,” ayon sa Ibon.
Anito, dapat itigil ang sobrang pagsandig sa importasyon ng pagkain, kabilang ang bigas at iba pang kagamitan at materyales para sa produksyon.
“Dapat ang direksyon ay tungo sa pagpapalakas ng lokal na sistema sa pagkain habang hinaharap ang mga epekto ng pagbabago sa klima at pinsala sa agrikultura,” anito.