Balita

Harry Roque, di karapat-dapat mabigyan ng sangtwaryo

Binatikos ng mga Pilipino sa Europe ang pahayag kamakailan ni Harry Roque na balak niyang humingi ng asylum o sangtwaryo sa The Netherlands. Si Roque, dating tagapagsalita ni Rodrigo Duterte, ay biglang lumitaw The Netherlands para mag-abugado kay Duterte para harapin ang kaso ng krimen laban sa sangkatauhan sa International Criminal Court.

Ilang buwan nang nagtatago si Roque sa ibang bansa para takasan ang mandamyento de aresto na inilabas laban sa kanya ng Kongreso noong Setyembre 2024. Tinakasan niya ang patawag ng Kongreso sa pagdinig kaugnay sa pagkakasangkot niya sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO. Kasama sa iniimbestigahan ng Kongreso ang pagkakasangkot niya sa human trafficking kaugnay sa isang iligal na POGO hub sa Porac, Pampanga.

“Ang asylum o paghingi ng sangtwaryo ay isang pundamental na karapatan na iginagawad sa mga indibidwal na nahaharap sa tunay na persekusyon sa pulitika. Hindi ito isang pansalag para sa mga tagapagtaguyod ng terorismo ng estado at mga lumalabag sa karapatang-tao sa tangka nilang iwasan ang kanilang mga pananagutan,” pahayag ng Filipino Refugees in Europe (FREE), organisasyon ng mga political refugee sa Europe.

“Bilang tagapagsalita ni Duterte, sentral ang papel ni Roque sa pagpapaliwanag at pagtatanggol sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng tinatawag na “gera kontra-droga,” ayon sa FREE. “Ang kanyang pakikipagsabwatan ay nakapag-ambag sa klima ng kawalang pananagutan na tumulak sa maraming Pilipino, kabilang ang mga myembro ng FREE, na tumakas sa kanilang inang bayan dahil sa takot sa kanilang buhay.”

Ayon sa grupo, sangtwaryo na ang The Netherlands ng maraming Pilipino na ginipit ng mga pasistang rehimen. Taliwas sa mga prinsipyo ng pagbibigay sangtwaryo ang pagbibigay nito sa isang taong tulad ni Roque na nagtaguyod kay Duterte at kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.

Tiningnan naman ng grupong Pinay sa Holland-Gabriela ang pahayag ni Roque bilang “nakakatawa” at “media stunt” para iligaw ang malalaking pang-aabuso sa kapangyarihan na isinagawa niya (Roque) bilang tagapagsalita ni Duterte.

Tinawag ng grupo ang paghahabol ni Roque ng asylum bilang “kaduwagan” na nagpapatingkad lamang sa kaibahan a pagitan ng naghaharing uri at mahihirap na sektor sa Pilipinas. Panawagan ng grupo: Pauwiin si Roque!

Samantala, nanawagan ang FREE sa gubyernong Dutch at sa mamamayang Dutch na itakwil ang petisyon ni Roque oras na ihain niya ito.

“Hindi siya karapat-dapat sa proteksyon dahil hindi siya nanganganib dahil sa pagtatanggol sa karapatang-tao at sa halip ay isa siyang tagasulsol ng mga krimen laban sa sangkatauhan,” ayon sa FREE. “Hustisya, di pang-uusug ang humahabol sa kanya. Dapat niya itong panagutan, at hindi takasan.”

AB: Harry Roque, di karapat-dapat mabigyan ng sangtwaryo