Balita

Grupo kontra mapangwasak na mga solar farm, itinatag sa Central Luzon

,

Nagtipon ang mga magsasaka, kabataan at estudyante, syentista, tagapagtanggol ng kalikasan, at mga kinatawan ng Simbahan sa kampus ng Central Luzon State University (CLSU) sa Nueva Ecija noong Hunyo 29 para itatag ang isang grupong titindig laban sa mapangwasak na mga solar farm sa Central Luzon. Sa pangunguna ng Advocates for Science and Technology for the People (Agham)-CL at CLSU University Supreme Student Council (USSC), itinatag nila ang Movement Against Destructive Solar Farms (MADSOLAR).

Layunin ng MADSOLAR na tutulan ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupa at mga mapangwasak na mga proyektong solar farm sa Central Luzon. Nakiisa sa pagtitipon ang Kalikasan People’s Network for the Environment, Bayanihang Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI), Sitio Sangilo United Farmers Association Inc. (SSUFAI), Pro-peoples Engineers and Leaders, Pangasinan and Central Luzon Ecumenical Assembly at Sto. Niño de Puncan Quasi-Parish.

Isa sa mga proyektong solar farm sa rehiyon ang MTerra Solar Project na sasaklaw sa 3,500-7,000 ektarya ng lupang pang-agrikultura sa mga bayan ng Nueva Ecija at Bulacan. Itinatayo ito ng Meralco PowerGen at ng dayuhang kumpanyang General Atlantic.

Ayon sa mga grupo, mapaminsala ang proyekto dahil palalayasin nito ang mga magsasaka sa kanilang lupang sakahan, sisira sa kalikasan at inaasahan ang kakambal nitong mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado. Ibinahagi ng mga apektadong sektor at komunidad ang kanilang hinaing at karanasan.

Anang SSUFAI at BMSAI, dumanas sila ng panunupil at kumaharap ang kanialng mga lider sa gawa-gawang mga kaso sa tangkang busalan at patahimikin. Dumanas rin sila ng pagsira sa mga taniman at pagwasak sa mga ari-arian.

“Sila ay mga demonyong umaakyat mula sa lupa upang sirain ang aming mga sakahan at pananim,” pahayag ni Mary Jean Bote, tagapagsalita ng BMSAI. Dagdag pa niya, “Dapat sa Pilipino ang lupa ng Pilipinas, hindi sa mga dayuhan, hindi sa mga iilang tao lamang!”

Samantala, ibinahagi ni Roy Manuzon ng KAPUNCAN (Kalinga sa Kalikasan ng Barangay Puncan) ang karanasan ng kanilang komunidad sa mga proyektong nagpapalit-gamit ng lupang pang-agrikultura. Aniya, nararanasan nila ang agresibong pagtutulak ng proyektong wind farm sa Mount 387 sa ngalan ng pagtataguyod sa renewable energy, na nagbubunsod ng banta sa kalikasan at kabuhayan ng mga katutubo.

Sa mensahe ni Fr. Ernie Pesimo ng Sto. Niño de Puncan Quasi Parish, binigyang-diin niya na ang mga suliraning kinakaharap ng mga mamamayan ay hindi hiwa-hiwalay na usapin, kundi bunga ng isang bulok na sistemang patuloy na nagsisilbi sa interes ng iilan. “Bakit maraming problema? Dahil bulok ang sistema,” aniya.

Ayon sa MADSOLAR, palalakasin nito ang kampanya at pakikibaka laban sa MTerra Solar Project at iba pang mapangwasak na proyektong renewable energy. Hinimok nila ang mamamayan ng rehiyon na magkaisa at ipagtanggol ang lupa at kabuhayan ng mga magsasaka, depensahan ang saribuhay at kalikasan, at protektahan ang seguridad sa pagkain sa bansa.

AB: Grupo kontra mapangwasak na mga solar farm, itinatag sa Central Luzon