Balita

Mga gradweyt ng lokal na unibersidad sa Rizal, nagprotesta sa araw ng pagtatapos

,

Nagsagawa ng mga simbolikong protesta ang mga gradweyt ng University of Rizal System (URS) sa araw ng pagtatapos na ginanap noong Hunyo 26 sa Ynares Complex Center sa loob ng Kapitolyo ng Antipolo City sa Rizal. Ayon sa mga progresibong grupo ng mag-aaral, maituturing na “makasaysayan” ang pagkilos dahil unang beses itong isinagawa sa unibersidad.

Kasabay ng pag-akyat ng entablado at pagkuha ng diploma, nagladlad ng maliliit na balatengga at plakard na may mga panawagan ang ilang mga gradweyt ng URS Angono at URS Binangonan. Kabilang sa kanilang mga panawagan ang “Hands Off Student Leaders, Hands Off Activists, Defend Press Freedom, at Serve the People.

Nagpahayag rin sila ng pagtutol sa kaltas pondo sa unibersidad at pampublikong edukasyon, panawagan para sa maayos na pasilidad, pagtaas sa sweldo ng mga guro, at iba pa. Nagsuot ang ilang gradweyt ng URS Cardona ng itim na ribon sa damit bilang simbolo ng pakikiisa sa mga panawagan ng kapwa estudyante at kanilang mga guro.

Sa kanyang talumpati, matapang na naglahad ang Summa Cum Laude ng URS Angono ng panawagang repasuhin ang patakaran na nakasaad sa student handbook na bawal ang aktibismo sa unibersidad. Aniya, sinisikil ng patakaran ang malayang pamamahayag. Binatikos niya rin ang pagtangkilik ng administrasyon ng URS sa mga bulok na trapo at kurakot na mga upisyal ng gubyerno.

Sa gitna ng simbolikong protesta, nabahala ang mga estudyante sa biglaang pagsulpot at paglaki ng presensya ng mga tauhan ng Rizal Provincial Police na may bitbit na matataas na kalibre ng armas. Mayroon ring mga sundalo at tauhan ng Reserve Officers’ Training Corps sa loob ng matao at siksikang kompleks. Napilitan ang mga magulang at estudyante na iwasan ang nakausling rifle barrel na halos dumaplis na sa kanilang mga mukha.

Mga paglabag sa demokratikong karapatan sa URS

Ang mga estudyante ng URS ay kumaharap sa matinding akademikong panunupil mula sa administrasyon at panghihimasok ng mga sundalo ng 2nd ID at 80th IB sa unibersidad.

Noong Mayo 19, pinuntahan ng Dean of the College of Social Sciences-URS Pililla Campus ang bahay ni Gelim Maribojoc, estudyante ng URS Pililla at miyembro ng Rizal Youth for Masungi. Kinwestyon ng Dean ang paglahok ni Maribojoc sa protesta ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1 at pinagbantaan ng mga posibleng paglabag sa URS student handbook. Nang igiit ni Maribojoc ang kanyang karapatan at inilinaw ang mga paglabag na sinasabi ng dekano, tumugon siyang “ikukonsulta” ito sa 2nd ID.

Ganito rin ang dinanas na pananakot at pagbabanta sa mga guro ng URS Angono dahil sa pagsama nila sa protesta noong Mayo Uno para manawagan ng dagdag sa kanilang mababahang sahod na ₱90/oras.

Noong Abril, nang pumutok ang masaker sa Negros 19 ng Toboso 19 ay napukaw ang maraming estudyante ng URS na magpahayag ng saloobin at pagkundena sa paglabag sa karapatang-tao. Matapos nito ay nagpapasok ang militar ng mga ahente sa intelidyens sa kampus at tinatanong ang mga estudyante kaugnay ng isyu. Pinuna ng mga aset at ipinatanggal ang ilang mga post ng mga estudyante at mga organisasyon sa kampus.

Lubhang ikinabahala ng mga estudyante at guro ang patuloy na panghihimasok ng 2nd ID at 80th IB sa mga kampus ng URS. Binatikos nila ang tahasang pakikipagsabwatan ng admnistrasyon sa militar na lalong pinagtibay ng “courtesy visit” ni Lt. Col. Marco Antonio Magisa ng 2nd ID kay URS President Dr. Nancy T. Pascual noong Hunyo 24.

—ulat ng Kalatas, rebolusyonaryong pahayagan sa Southern Tagalog

AB: Mga gradweyt ng lokal na unibersidad sa Rizal, nagprotesta sa araw ng pagtatapos