Mahigit 8,000 Pilipino, lumahok sa martsa kontra korapsyon ng White Ribbon Movement
Nagsama-sama ang mahigit 8,000 Pilipino mula sa iba’t ibang pananampalataya at demokratikong organisasyon noong Hunyo 28 sa martsa para sa katotohanan, pananagutan at hustisya sa EDSA People Power Monument. Sa pangunguna ng White Ribbon Movement (WRM), ibinandera sa martsa ang panawagang “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot! Kilos Bayan Laban sa Kahirapan, Korapsyon, at Kawalang-Pananagutan.”
Sinimulan ng WRM ang araw ng pagkilos sa isang misa sa EDSA Shrine na pinangunahan ni Bishop Colin Bagaforo, ang obispo ng Roman Catholic Diocese ng Kidapawan at tagapangulo ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation (ILCNT). Sinundan ito ng martsa patungng People Power Monument kung saan isinagawa ang programa. Napuno ng mga panalangin, talumpati, awit at mga kulutural na pagtatanghal ang programa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bishop Bagaforo na paraan ang pagkilos para muling ipaalala sa mga Pilipino na karapatan ng bayan ang isang maayos na hinaharap. “At naniniwala kami na ang isang mas mabuting hinaharap ay makakamit sa pamamagitan ng mas maayos na pulitika–pulitikang nagsisilbi sa interest ng bayan, pinuprotektahan ang dignidad, at ginagabayan ng hustisya sa halip na pagkaganid,” dagdag pa ng obispo.
Ang WRM ay isang bagong tatag na malapad na kilusang kontra-korapsyon na binuo pangunahin ng ILCNT, koalisyon ng mga lider-relihiyoso ng iba’t ibang pananampalataya. Kabilang sa kilusan ang mga grupong Katoliko, Kristiyano, Protestante, Evangelical at Muslim. Ang ilan sa kanila ay bahagi ng dating Trillion Peso March Movement na kumilos noong 2025.
Sa araw ng pagkilos, nakiisa ang mga lider-relihiyoso na sina Archbishop Emerson Beriones ng Holy Orthodox Catholic Apostolic Church of Jesus Christ, Bishop Efraim Tendero (World Evangelical Alliance, Bishop Joseph Agpaoa (United Church of Christ in the Philippines, Minnie Anne Mata-Calub ng National Council of Churches in the Philippines, Fr. Wilmer Tria ng Catholic Educational Association of the Philippines, Fr. Tony Labiao ng Roman Catholic Diocese of Novaliches, at Sr. Marie Paule, AMP ng Conference of Major Superiors in the Philippines. Nagpahayag ng suporta sa pagkilos si Lipa Archbishop Gilbert A. Garcera, D.D, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng Simbahang Katoliko.
Bahagi rin ng WRM ang mga alyansa at organisasyong masa. Kabilang dito ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) na namuno sa Baha sa Luneta na protestang kontra korapsyon ng 100,000 katao noong Setyembre 21, 2025 at higit 20,000 katao noong Nobyembre 30, 2025 sa Luneta Park, Maynila. Lumahok rin ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) at mga kabataang nakibahagi sa kilusang walkout noong huling kwarto ng 2025 sa ilalim ng Youth Rage Against Corruption (YRAC).
Bahagi rin nito ang pambansa-demokratikong grupo na Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at lahat ng mga organisasyon sa ilalim nito. “Tuloy ang laban upang panagutin ang lahat ng sangkot sa malawakan at sistematikong korapsyon. Ikulong ang lahat ng korap sa Kongreso, sa Gabinete, at sa Malacañang. Agarang litisin at panagutin si Sara Duterte! Singilin si Marcos Jr. sa nagpapatuloy na dambuhalang korapsyon sa bayan!” pahayag ng Bayan.
Ang ilan pang mga bahagi ng WRM ay ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM), Advocates for National Interest (ANI), Military and Uniformed Personnel (MUP) 4 United PH, Federation of Free Workers (FFW), Concerned University of the Philippines Vanguard, Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP), Sanlakas, Bunyog, Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM), Artikulo Onse, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at August Twenty One Movement (ATOM).
Maliban sa Metro Manila, nagkaroon din ng White Ribon March sa Iloilo City. Maraming diyosesis rin ng Simbahang Katoliko ang nagtali ng puting ribon sa kani-kanilang simbahan bilang pakikiisa sa araw ng pagkilos.