Hindi terorismo ang pagtatanggol sa mga karapatan at rekurso ng katutubo—CPDF
“Ang pagbabansag ng ‘Anti-Terrorism Council’ ay isang sirang plaka mula sa isang bulok na sistema,” ito ang pahayag ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF), ang alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines na kumakatawan sa mga katutubo ng Cordillera. Kabilang ang CPDF sa 16 na rebolusyonaryong lihim na orgnisasyon na binasang “terorista” ng NTF-Elcac/Anti-Terror Council kamakailan.
Ayon sa grupo, ang aksyong ito ay katumbas ng pagbabalewala sa matagal nang panawagan ng mga pambansang minorya ng Cordillera. Kabilang dito ang proteksyon sa rekurso at kabuhayan ng mamamayan, pagtatanggol sa teritoryo, paggigiit sa abot-kayang serbisyong panlipunan, at hustisya para sa mga biktima ng insitusyonalisadong diskriminasyon sa mga katutubo, ayon sa CPDF. “Alin dito ang terorismo?” tanong ng grupo.
Inilinaw rin ng CPDF na ang paggamit sa naturang konseho para lalong isaisantabi ang dati nang pinababayaang mga katutubo ay lalo lamang magtutulak sa kanila na maghiwalay ng gubyerno sa mamamayan nito.
“Ang Cordillera ay isang bansa ng mga mandirigma at higit na nag-alab ito sa pag-iral ng malakolonyal at malapyudadl na sistema na ginagawang ‘second-class’ na mamamayan ang mga pambansang minorya,” dagadg ng CPDF.
“Ang mga minorya, kasama ang sambayanang Pilipino, ay walang ibang mapagpipilian kundi ang magrebolusyon,” ayon sa kanila. “At ang pagbansag dito bilang terorismo ay kahibangan ng estado, ngunit ito rin ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak,” ani CPDF.
Bago nito, binatikos din nina Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista gn Pilipinas at Prof. Jose Maria Sison, punong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan, ang naturang arbitraryong hakbang ng ATC.
Liban sa CPDF, ang iba pang organisasyong binansagang terorista ang: Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU), Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA), Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Kabataang Makabayan (KM), Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma), Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP or Masapa), Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), Lupon ng mga Manananggol para sa Bayan (Lumaban), Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas), Makabayang Kawaning Pilipino (MKP), Revolutionary Organization of Overseas Filipinos and their Families (Compatriots), Christians for National Liberation (CNL), Moro Resistance Liberation Organization (MRLO) at Revolutionary Organization of Lumads (ROL).