Pahayag

Ibasura ang Resolution No. 28 ng NTF-ELCAC/Anti-Terror Council! Ibasura ang Anti-Terror Law! Labanan at biguin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte!

,

HINDI TERORISTA ANG MAKIBAKA! Mariing kinokondena ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) ang pagdedeklara ng NTF-ELCAC/ATC na isang teroristang organisasyon ang MAKIBAKA at ang iba pang mga alyadong organisasyon ng NDFP. Sa gitna ng pandemya at matinding krisis pang-ekonomiya, ang malinaw na naghahasik ng pasistang teror ay ang rehimeng US-Duterte!

Hindi na bago ang atake sa MAKIBAKA ng mga pasistang rehimen. Kasama ng iba pang mga organisasyon noong 1972, dineklarang iligal ito ng diktadurang Marcos. Subalit, hindi ito nakapigil sa paglaban nito para sa interes ng kababaihang anakpawis. Gumampan ng susing papel ang kababaihan noong panahon ng Martial Law na lumaban sa tiraniya at nagpatalsik sa rehimeng US-Marcos. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na lumalaban ang rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan para biguin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte.

Nararapat na kondenahin ng laksang kababaihan ang deklarasyong ito ng NTF-ELCAC/ATC na tiyak na target patahimikin ang kababaihang lumalaban. Hindi malayong gamitin ito sa oposisyon sa nalalapit na Halalan 2022 sa pamamagitan ng arbitraryong paghuli at pagpaslang, upang pigilan ang paglakas ng panawagan ng kababaihan at mamamayan na patalsikin ang rehimeng Duterte. Patanaw na ito ng rehimen sa mas pinaigting na operasyong mapanupil sa mga susunod na araw, sa desperasyong makaupo at makapanatili sa kapangyarihan ang pangkating Marcos-Arroyo-Duterte.

Makatwiran at makatarungan ang pagsusulong ng MAKIBAKA ng rebolusyon. Lehitimo ang mga panawagan ng MAKIBAKA para makamit ang kagalingan para sa mamamayan. Lehitimo din ang panawagan ng MAKIBAKA na mag-armas ang kababaihan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, dahil rebolusyon lamang ang tanging solusyon para baguhin ang bulok na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal na nagpapahirap sa masang kababaihan at anakpawis.

Patuloy na magpapalawak ang MAKIBAKA! Kasama ang mamamayang lumalaban, bibiguin nito ang pasismo ng rehimeng US-Duterte!

Ibasura ang Resolution No. 28 ng NTF-ELCAC/Anti-Terror Council! Ibasura ang Anti-Terror Law! Labanan at biguin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte!