Hustisya, muling ipinanawagan isang taon matapos ang pagdukot at pagpatay sa kabataang organisador sa Bohol

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nanawagan ng hustisya ang Karapatan-Central Visayas para kay Arthur Lucenario, kabataang organisador sa rehiyon, sa unang anibersaryo ng pagdukot at sadyang pagpatay sa kanya ng 47th IB. Si Lucenario ay dinukot ng militar sa San Miguel, Bohol noong Abril 14, 2023.

Isang buwan siyang na lihim na ikinulong ng mga berdugo, tinortyur at saka pinalabas na Pulang mandirigma na napatay sa engkwentro noong Mayo 12, 2023 sa Barangay Tabuan, Antequera, Bohol. Kasapi ng grupong Anakbayan sa Cebu si Lucenario bago naging organisador sa Bohol.

“Dapat patuloy nating ilantad at kundenahin ang mga krimeng ito na isinasagawa ng militar at makiisa sa mga nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan at kalayaan,” pahayag ng Karapatan-Central Visayas.

Ayon sa grupo, ang kaso ni Lucenario ay isa lamang sa napakaraming kaso ng sapilitang pagkawala sa rehiyon at sa buong bansa. “Mayroong dumaraming padron ng mga kaso ng pagdukot sa mga aktibista at kasunod nito ay ipinaparada sila bilang mga sumuko o, sa mas malupit, pinalalabas silang mga kaswalti sa isang sinasabing engkwentro,” ayon sa grupo.

Giit pa nila, sa panahong ito higit na kinakailangang magpunyagi ang mamamayang Pilipino para manawagan ng hustisya at papanagutin ang mga sangkot sa karumal-dumal na mga krimen na ito at paglabag sa internasyunal na makataong batas.

AB: Hustisya, muling ipinanawagan isang taon matapos ang pagdukot at pagpatay sa kabataang organisador sa Bohol