Balita

Hustisya, panawagan sa pag-atake sa mga abugado sa Maguindanao del Norte

Kinundena ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at Bayan Muna ang karumal-dumal na pagpaslang sa isang abugada at pag-atake sa kasintahan niyang abugado sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noog Marso 17. Namatay sa tama ng bala matapos tambangan at barilin si Atty. Junisa D. Kimamao, CPA, habang lubhang nasugatan ang kasintahan niyang si Atty. Ibrahim D. Pendatu, LPT.

“Nababahala at lubos na nalulungkot ako [sa nangyari],” pahayag ni Atty. Carlos Isagani Zarate, ikalawang nominado ng Bayan Muna at dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines-Davao City Chapter. Aniya, isang malaking inhustisya ang walang-saysay na karahasan at isang atake sa pundasyon ng sistemang ligal ng bansa ang insidente.

Dagdag pa niya, mas karumal-dumal ang krimen dahil naganap ito sa panahon ng Ramadan na isang panahon ng kapayapaan at pagninilay. Liban pa, naganap ito matapos ang tangkang pagpaslang sa isa ring abugado na bise alkalde ng Datu Liang, Maguindanao Del Sur kamakailan. “Hindi katanggap-tanggap ang mga atakeng ito sa mga abugado at dapat itong mahinto,” ayon kay Atty. Zarate.

Nanawagan siya sa Philippine National Police na magsagawa ng masinsin na imbestigasyon para kaagad malaman kung sino ang nasa likod ng mga krimen. “Hinihiling namin na ang mga gumawa ng krimeng ito ay kaagad mapanagot at na lahat ng kinakailangang mga hakbang ay gawin para tiyakin ang kaligtasan ng mga abugado sa Maguindanao at sa buong bansa,” aniya.

Inihayag naman ng NUPL ang pangangailangang itulak ang gubyerno na gampanan ang tungkulin nito sa ilalim ng United Nations Basic Principles on the Role of Lawyers para tiyakin na magagampanan ng mga abugado ang kanilang propesyunal na tungkulin nang hindi dumaranas ng intimidasyon, panghaharas, or karahasan.

“Ang kabiguang mapagpasyang kumilos ay hindi lamang makapagpapanatili sa kultura ng kawalang pakundangan kundi sisirain din ang kumpyansa ng publiko sa sistema ng hustisya at higit na isasapanganib ang independensya ng ligal na propesyon at akses sa hustisya,” ayon sa NUPL.

AB: Hustisya, panawagan sa pag-atake sa mga abugado sa Maguindanao del Norte