Hustisya sa pagpatay ng rehimeng Marcos sa beteranong lider-manggagawa, muling ipinanawagan
Nagprotesta sa harap ng Camp Crame sa Quezon City ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) noong Setyembre 30 para muling manawagan ng hustisya sa pagpatay ng rehimeng Marcos kay Jude Fernandez, beteranong organisador ng KMU. Si Fernandez ay pinatay ng mga pulis sa kanyang tinutuluyang bahay sa Binangonan, Rizal noong Setyembre 29, 2023.
Binaril si Fernandez at pinalabas na “nanlaban” habang hinahainan ng mandamyento de aresto ng mga pulis. Pero ayon sa imbestigasyon ng mga manggagawa, dalawang putok lamang ng baril ang narinig ng mga kapitbahay sa araw na iyon. Wala ring anumang palatandaan na may “nanlaban” sa loob ng bahay na siniyasat ng FFM.
“Hanggang ngayon, wala pa ring nakakamit na hustisya si Jude, ang kanyang pamilya, at mga kaibigan,” pahayag ng KMU.
Anang grupo, hindi sila titigil sa pagpapanawagan para sa hustisya hindi lamang para kay Jude Fernandez, kundi para sa lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos.
“Patuloy naming bibitbitin ang mga aral na iniwan ni Jude Fernandez upang lalong palakasin ang aming paglaban para sa sahod, trabaho, at karapatan at laban sa mga pwersa ng estado na humahadlang sa pagkamit ng mamamayan ng mas maaliwalas na kinabukasan,” dagdag ng grupo.
Si Ka Jude ay naging aktibista noong 1975 habang mag-aaral siya sa UP-Los Baños. Kabilang siya sa mga nanguna sa kampanya para sa pagbabalik ng demokratikong sangguniang mag-aaral, ng malayang mga pahayagang pangkampus, representasyon ng mga mag-aaral sa UP Board of Regents at pagbabalik ng Philippine History and Institution sa kurikulum.
Kasama ang ibang kabataan mula sa unibersidad, sumanib si Ka Jude sa kilusan ng uring manggagawa at manggagawang bukid sa panahon ng batas militar. Tampok ang naging papel niya sa pag-oorganisa ng mga manggagawa ng Sunripe Dessicated Coconut Industry sa Magdalena, Laguna, na nanguna sa pagbabandila tunay, palaban at makabayang unyonismo at militanteng mga pakikibakang masa sa panahong iyon.